Tuesday, October 10, 2006

Jump

Isa sa pinakamataas kong talon sa buhay ko ay ang nakaraang Octoberfest sa Megamall.

Lasing na lasing ako, sinasabayan ang pag-indak ko ng mga palo ng drums at distortions ng mga gitara. Tumatalon ako dahil nakilala na ni M--- yung nanay niya. Tapos bumalik na siya sa akin. Ngayon, bawat segundong magkasama kami ni M--- ay napakahalaga. Ngayon, hindi na kami takot harapin ang nakaraan, kasalukuyan at hinaharap. Mahal na mahal namin ang isa’t isa.

Tumatalon ako dahil nagkaayos-ayos na kami ng mga kapatid ko. Anuman ang mangyari, hindi nila ako iniwan – kahit parang sira-sira na ang buhay ko dati. Hindi nila ako matiis. Mahal na mahal ko sila. Tumatalon ako dahil sa kanila.

Tumatalon ako dahil may bago akong magazine na ilalabas. Lahat-lahat may 3 magasin at 1 diyaryo akong tinatrabaho mula sa iba’t ibang publisher. Tumatalon ako dahil laging nasa tabi ko si Dada, pinakamalapit kong kaibigan ko na minsang pinangarap naming magkaroon ng sariling publikasyon. Puwes, sabi namin sa sarili, ngayon kami’y mga magnate na ng mga publikasyong Filipino sa Japan. Masayang magtrabaho at tuparin ang pangarap ‘pag kasama mo ang isa sa pinakamalapit mong kaibigan na kasabay mong nangarap. Ngayon sa dami naming ginagawang publikasyon ni Dada, makakapag-ipon na kami. Gusto kong magkaroon ng bahay sa tabi ng dagat. O kaya sa tuktok ng burol. O kaya magkaroon ng isla. Ang sarap mangarap. Dati-rati’y nalilipasan lang kami ng gutom sa tuktok ng Vinzons. Fishball at tukneneng lang ang inuulam namin sa kanin ni Aling Lina. Hindi nga namin mag-afford ang extra rice. Pantasya lang ang pagkain naming lalagpas sa isang-daan. Kahangalan sa isip namin, sayang ang pera, itatae lang naman namin ito matapos ang ilang oras.

Tumatalon ako dahil sa dami ng publikasyong ginagawa namin, marami kaming natutulungan. Marami kaming namumulat. Napapaabot namin sa mga OFW yung tunay na estado ng bansa. Hindi namin sila inaalisan ng pag-asa, para sa amin, kailangang dumikit sa utak ng mga OFW na bahagi sila ng pagbabago. Pinangako namin noon ni Dada na hindi lang basta pera. Nauubos din naman iyon. Nais naming magbigay ng serbisyo sa aming bayan. Hindi man namin maisasalba ang mundo, pero sa parte namin, may mga buhay kaming nabago. Masarap tumalon ‘pag may tinatanganan ka pa ring prinsipyo hanggang ngayon.

Tumatalon ako dahil malapit ng umuwi ang nanay ko matapos ang mahabang panahong pagiging OFW. Sa wakas, makakasama ko na siya. Ipapasyal ko siya sa lahat ng lugar dito sa Pilipinas. Maipapakilala ko na sa kanya si M---. Dati, sa telepono ko lang ipinakilala si M--- kay Mama. Maayos naman ang pag-uusap nila. Nagpapasalamat pa si Mama kay M---, nilapit daw ako nito sa Diyos (hehe). At ang maganda, mahal ni Mama si M---. Mabait at totoo daw kasi.

Sa pagtalon ko, naiisip ko ang magagandang bagay na nangyari sa akin, ganoon din ang mga masasama. Balanse. Masarap tumalon na babagsak kang balanseng nakaapak ang mga paa sa lupa. Ramdam na ramdam ko ang init ng semento. Minsan may silakbo, pero sige, talon ako ng talon. Walang makakapigil sa akin. Masaya ako. Malaya ako. Sa pagtalon ko, pinasasalamatan ko ang Diyos. Pinasasalamatan ko si St. Jude (patron saint namin nina Dada at Reagan). Pinasasalamatan ko si M---. Tumatalon ako dahil sobrang laki ng pasasalamat ko kay Mama at sa mga kapatid ko. Tumatalon ako dahil sa tulong sa akin ni Dada, gayundin sa lahat aking mga totoong kaibigan.

Mga ilang taon ang nakaraan, gusto kong tumalon at magpatiwakal sa mga bundok o building, pero ngayon, tatalon ako dahil marami pang kailangang gawin at ayusin, marami pang aabangan na maaring mangyari – masama man o mabuti. Ngayon, tatalon ako nang ninanamnam ang sarap ng hangin, pipikit ako at sasabihing –

shit this is life.

Sa mga totoong kaibigan kong sina Dada Nartea, Reagan, Dada Docot, K, X, Bheng, Caloy, Eleyn, Fuj, sa hayskul friend kong si Marlon, sa kababata kong si Misty, at sa Room 401 Philippine Collegian, tahanan ko ng limang taon at kung saan ako nagsimulang tumalon. Isalba ang Philippine Collegian, pumunta sa www.philippinecollegian.net at ipakita ang suporta sa isang malaya at mapagpalayang pamamahayag.

Tuesday, August 15, 2006

Homage kay Fernanda Montenegra sa pelikulang "Central Station"

Nahanap na ni M--- yung nanay niya.

Noon pa lang simula ng relasyon namin, pangako ko sa kanya, tutulungan ko siyang hanapin ang nanay niya. Tandang-tanda ko, sa LRT sa Santolan, sabi ko, "Wag ka mag-alala, yan ang pinakaregalo ko sa iyo, hahanapin natin nanay mo." Pero mahirap, peke ang birth certificate niya. Wala ni isa sa pamilya niya ang puwede niyang pagtanungan (at wala ring magbibigay ng sagot). Wala talaga. Sumuko na nga ang isang organisasyon na hiningan ko ng saklolo upang tulungan kami sa kaso niya. Wala talaga siyang nakaraan. Hindi nga niya alam ang totong bertdey niya. O ilang taon na siya. O ano ang middle name niya.

Biro ko nga sa kanya, baka dose lang siya at para akong si Dolphy kung nagkataon. Na lagi niyang ginagantihan ng masasakit at nakakapunit na halakhak.

Kaya nang magkahiwalay kami matapos ang isang taon at tatlong buwan naming relasyon, binagabag ako, alam kong may misyon pa kaming hindi nagawa. Hindi pa namin nahahanap ang nanay niya. Hindi pa niya nakikilala ang sarili niya. Hindi man niya aminin, kaya nga rin siya nakipaghiwalay dahil malaki ang epekto sa kanya ng malaking dilemma na iyon. Sabi niya, unfair daw sa akin dahil hindi pa raw niya AKO nakikita sa future niya. Sagot ko naman, "E talagang hindi mo ako makikita sa future mo, kase hindi mo alam yun, hindi mo nga alam ang past at present mo e."

Kaya masayang-masaya ako. Isa sa pinakamasayang pangyayari sa buhay ko. Lalo pa't sa akin niya unang sinabi na nahanap niya na ang nanay niya kahit na wala na kami. Sabi niya, gusto niya, ako at tanging ako lamang ang unang makaalam ng magandang balita sa buhay niya. Ako lang daw ang may teritoryo sa bahaging iyon.

Masayang-masaya ako dahil unti-unti na niyang makikilala ang pagkatao niya. Nagiging malinaw na sa kanya ang naratibo ng kanyang nakaraan, kasalukuyan at hinaharap. At masaya ako dahil sa akin niya unang pinagkatiwala ang pinakamalaking balita ng buhay niya. Noong sinabi niya sa akin ang balitang yun sa apartment ko, naiyak ako. Niyakap niya ng ako ng mahigpit. Mahigpit na mahigpit. Tapos naramdaman ko yung luha niya sa balikat ko. Mainit. Parang hinele ako. Tas nagpasalamat siya, sabi niya, isa raw akong malaking regalo sa kanya.

Haayy, mahal ko talaga siya. Kahit pa maraming mga kaibigan ang nagsasabing bumitaw na ako dahil kailangan ko nang tanggapin na wala na siya at hindi na siya babalik pa sa akin. Na kailangan ko na siyang palayain at tanggapin sa sarili na nawala na ang pagmamahal sa akin ni M---. Na kailangan kong gumanti sa masamang ginawa niya sa akin. Na hindi ko na responsibilidad ang paghahanap sa nawawalang nanay niya dahil binitawan na niya ako.

Pero sa pagkakataong ito, masaya ako, dahil tama ang desisyon ko. Buti na lang at ipinaglaban ko yung nararamdaman ko sa kanya at nasaksihan ko ang pagbabagong ito sa kanyang buhay. Buti na lang at nakakapit pa rin ako hanggang sa huli, kahit pa naging malabo na ang daan sa amin. Buti na lang at kahit hindi bagay sa panahon ng post moderno, naging wagas ako. Dahil nahanap ko na ang kasagutan kung bakit ako makulit. Kung bakit ako mukhang tanga. Kung bakit ako lumalaban. Kung bakit ko kailangang igiit na kailangan namin ang isa't isa. Dahil hindi ito mapapalitan ng nagging saya ko sa sandaling sinabi niya sa aking magkikita na sila ng kanyang totoong ina. Walang makakatumbas doon. Walang papantay doon. Okey lang na nasaktan at nadapa ako sa kanya kung ito lang ang kapalit. Tangna, kakaibang high ang naramdaman ko.

Sabi niya sa akin bago kami magkahiwalay kahapon, wag akong bumitaw sa kanya. Oo M---, lalo na ngayon, hinding hindi ako bibitaw sa iyo. Mas magiging wagas pa ako (kahit hindi raw bagay sa panahon ng post moderno). Lagi akong nandito at pangako yan. Mas naging mabuting tao ako sa iyo. Salamat rin sa iyo. Hindi mo man makita ang FUTURE mo sa akin, masaya na ako na naging bahagi ako ng nakaraan at kasalukuyan mo. At handa na ako sa lahat.

Sa darating na Lunes, pupunta kami ni M--- sa Bicol. Ako ang gusto niyang isama sa unang pagkikita nilang mag-ina. Doon, sa unang pagkakataon, tatagpuin namin ang nanay niya. Kinakabahan na ako. Ipinagdadasal ko na tumatag pa siya. Basta sa 12 oras na biyahe namin sa bus papuntang Bicol, hahawakan ko lang ang kamay niya, hindi ako bibitaw, at sasabihin ko sa kanya, " Mahal, buo ka na."

Thursday, July 27, 2006

R I P *

Carry this picture for luck, kept in a locket
Tucked in your collar, close to your chest.
Make it a secret, shown to your closest friends.
And meet me at quarter to seven,
The sun will still shine then, at this time of year.
We’ll head to the inlet. And we’ll share a bottle there.
-Carry This Picture, Dashboard Confessional

Ilang oras ring hinihintay ni Balong si Yulo. Naka-dalawang pakete na ito ng sigarilyo. Nagkulay abo na ang itim niyang sapatos. Nakagawa na ang kanyang bibig ng maraming alipato – singsing, puso, bituin, buwan, barko, eroplano. Kung ganito lamang kadali gumawa ng mundo, nakagawa na siya ng uniberso.

Mga ilang minuto’y dumating si Yulo na bitbit ang isang boteng serbesa. Namumugto ang kanyang mata, katulad ng lungkot ng langit ng gabing iyon.

Ayaw mang aminin ni Yulo kay Balong, nahuli ito sapagkat hinanda niya ang sarili sa maaaring mangyari sa gabing ito. Bago makipagkita sa kaibigan, inilatag niya ang tubig, labakara, at laket ni Nazareno sa kanyang kama. Isa-isa, iniisip niya ang lohika ng pagkakasunod ng mga mangyayari: Mauuhaw ba sila bago pawisan? Aasa ba muna sila sa poon bago mangati ang lalamunan?

Tulad ng dati, may pagkahumaling si Yulo sa mga dahilan kung bakit nauuna at nahuhuli ang mga bagay-bagay. Para sa kanya, ang mundo ay umiikot sa aksyon-reaksyon. Sa mga nauuna at nahuhuli.

“Putsa huli ka na naman!, mabubulok na ‘to!” inis na inis na sinabi ni Balong kay Yulo. Sabi ni Yulo sa sarili, e putsa bakit ba lagi ka kaseng nauuna?

May malaking plastic bag na dala-dala si Balong. Tumutulo pa ang dugo mula sa plastik. Pagdating na pagdating ng itim na kotse ni Yulo, dumiretso agad siya sa kotse. Inilagay niya sa trunk ng sasakyan ang malaking plastik. Hindi niya ininda ang pagkalat ng dugo. Tutal, hindi naman masyadong mahahalata sa itim na kotse ni Yulo.

“Yulo, hindi tayo dapat abutin ng umaga,” humihingal na sabi ni Balong.

Tumungo lang si Yulo. Alam niya, hindi kailangang manatili. Kailangang magmadali. Kailangan nang tapusin ang lahat. Mahabang panahon na rin silang binagabag ng problemang ito.

Pinaspas ni Yulo ang kotse. Pataas ng burol. Libu-libong pusa ang kanilang sinagasaan. Kulay neon lights ang gabing ito, aninag hanggang langit, nanggagaling mula sa kakaibang mata ng mga pusa. Nakakasilaw. Gayunman, nagkalat ang mga laman ng mga pusang hindi nabigyan ng kasunod na buhay.

May lihim na ngitngit ang gabing iyon. At sa gabing ito, parang kriminal ang lamig, sumasaksak sa laman, umaabot hanggang kaluluwa. Ganunpaman, hindi ininda ng magkaibigan ang panganib ng gabi – ito na ang matagal nilang inaabangan at hinihintay.

Sa unang pagkakataon, kapwa nila niyakap ang katahimikan. Walang ingay. Walang mga salita. Walang dagundong na musika sa stereo. Ang mga naiwan sa kanila, mga lihim na tingin ng pag-aalala.

Pagdating sa tuktok ng burol, kinaykay nila ang lupa sa tabi ng patay na puno. Nangitim ang kanilang mga kuko. Hinukay nila ang lupa sa tuktok ng burol. Nagmadali sila. Ayaw nilang maabutan ng liwanag. Kailangan nilang ilibing ang dapat ilibing. Umiyak ang langit. Lumambot ang lupa. Naging madali para sa mga magkaibigan na hukayin ang dapat hukayin. Nanigas na ang kanilang buto sa daliri sa paghuhukay, ngunit hindi sila dapat huminto. Malapit ng lumiwanag.

Alas-tres ng madaling araw, nahukay nila ang burol. Tinitigan nila ang lalim ng kanilang nahukay sa pamamagitan ng kanilang mga daliri. Sa unang pagkakataon, may ngiti silang pinagsaluhan. Hindi sila makapaniwalang nagawa nila ito. Sabagay sa isip nila, nagagawa naman nila ang imposible ‘pag magkasama sila. Ngunit alam nilang dalawa na hindi na dapat pang sabihin ito sa isa’t isa, may mga katahimikang nangingibabaw sa gabing ito. May mga katotohanang dapat ring ilibing.

Hinulog ni Balong ang plastik sa hukay. Umaapaw pa ang dugo nito. Natahimik si Yulo. Hindi niya alam ang kanyang mararamdaman. May mga katahimikang sumaksak. Hindi niya alintana, may luhang bumagsak sa kanyang mata.

Nagsindi sila ng sigarilyo. Nakagawa silang dalawa ng alipato. Kay Balong isang malaking-malaking eroplano. Kay Yulo, isang dambuhalang barko.

Tinapik ni Balong si Yulo sabay turo sa alipato, “Ayan na ang eroplano ko, sasakay na ako.” Napangiti si Yulo, mag-iingat ka, sabi niya sa kanyang puso.

Nagpaalam si Balong kay Yulo matapos ilibing ang dapat ilibing. Magkabilang dulo ang kanilang tinahak. Dalawang magkabilang sulok ng mundo.

Kinabukasan, binalikan ni Yulo ang burol. Nakapagtataka, walang bakas ng mga pusang nasagasaan. Ibang-iba ang tanawin kaysa kagabi. Pinakamagandang bukang-liwayway sa mahabang taon. Punung-puno ng mga kulay dilaw na dahon na nagsibagsakan mula sa matandang puno.

At nang marating ang tuktok ng burol, napangiti siya, sa libingan na ginawa nila ni Balong kagabi, may tumubong damo. Naniwala siya sa kasabihan, ang pumanaw ay nagiging damo ng bukang liwayway.

*Kay M, sa ating inilibing...

Thursday, May 25, 2006

SHAWARMA NIGHTS (isang tsapter)

Deadline at Headline

Listening to Beethoven's Ninth Symphony] Alex: Oh bliss! Bliss and heaven! Oh, it was gorgeousness and gorgeousity made flesh. It was like a bird of rarest-spun heaven metal or like silvery wine flowing in a spaceship, gravity all nonsense now. As I slooshied, I knew such lovely pictures! -- Clockwork Orange



Sa report ng Mandaluyong Police Station noong April 8, 2006 – May isang babaeng nagpakamatay sa underpass ng Crossing bandang alas-nuwebe ng gabi. Ayon sa mga nakasaksi, tumalon ang babae sa underpass nang eksaktong dumaan ang isang hindi matukoy na 12-wheeler truck. Batay sa ulat ng polisiya, nakasuot ang babae ng aul na blusa at palda. Naka-kulay asul din itong step-in. Walang umaari sa bangkay, kaya’t hindi pa matukoy ang dahilan ng pagpapakamatay ng babae. Dinala ang bangkay sa Funenaria Rizal sa may Kalentong.


Araw-araw, ginigimbal tayo ng mga balita ng ating mga lider at taong gobyerno. Gumagana ang ating mga masel sa mukha ‘pag nabasa nating GMA‘DI BIBITAW. Kumikinang sa ating mga mata ang malalaking headline: KRIS KINASAL NA KAY JAMES. Pagdaka’y nais nating pasukin ang kanilang mundo. Nais nating makisangkot. Nagsimula lang sa balita at headline, magkakatawang tao ito sa ating diwa. Kaya madalas, sa mga manunulat ng mga magaganda at masasamang balita – isa itong kapangyarihan. Para sa isang manunulat na tulad kong nakasaksi sa isang malagim na insidente noong Abril 8, 2006, paano kaya isusulat ang headline ng pagkamatay ng babaeng ito ng may bantas padamdam?

BABAE TUMALON SA UNDERPASS, PATAY! Nararamdaman kong isa ito sa pinaka-hilarious na headline sa balat ng piryudismo sa Pilipinas. Una) redundant, wala namang tumatalon sa underpass ng Crossing nang nabubuhay. Parang sinabi mong “Babae tinapos ang buhay, patay!” Parang bumabalik sa panahon ng pagbabatuhan ng mga biro at mga pakuwela nina Dolphy at Panchito, na kung tutuusin, mukhang kasabayan ng mga “Westerns” sa America na unang nagpalutang sa hibla ng homososiyalisasyon sa mundo.

Ikalawa) ilohikal. Napakamaling headline. Barubal. Ano’ng lohika sa pagtalon sa underpass ng Crossing na sinadyang itaon sa pagdaan ng humahagaspas na truck kung nais pa nitong mabuhay? Ano ito – isang malaking ispektakulo ng 3rd world? Naghahanap lang ng pansin upang makakuha ng malaking tulong sa mga tanod sa Shaw, mga MMDA, NGO, PCSO at mga charitable organizations? At anong lohika mayroon ako kung pagdesisyunan kong ilathala ito. Kung tutuusin, kayang-kaya ko itong ipalathala. Wala sa tamang pag-iisip ang editor ko. Ganoon yata kung tinutunaw ang utak ng init ng araw at tubig mula sa maduming pier – nagiging baliko ang pagtingin sa mundo. ‘E bakit kasi maraming pahayagan ang naka-istasyon sa pinakamainit na lugar sa Pilipinas – ang pier? Tuloy, naapektuhan ang mga taong huwahawak ng mga balita. Ang mga taong walang opsyon kundi manahan dito. Fine. Isang isyu ang proximidad. Dahil biktima ng fragmentasyon ang Pilipinas, natural kailangan ng mga RO-RO upang madaling maipadala sa mga masusukal na lalawigan at kagubatan ang mga diyaryo. Fantastico.

What if BABAE NAGPAKAMATAY SA CROSSING? E ano ngayon? Anong pagkakaiba ng babaeng ito sa mga nagpapakamatay sa Lagusnilad, sa Baguio, sa tuktok ng building sa Makati, o kahit pa sa kanilang sari-sariling kuwarto? Ano yung bago? Ano yung twist? Yung place? Bakit Crossing? Malamang isa ito sa epitomya ng urbanisasyon sa siyudad. E ano naman ang relevance ng Crossing sa kanyang pagkamatay? Dahil maraming nagpupunta ng Crossing at maaaring napandak ang kaluluwa ng babaeng ito sa mga kipkip at singit-singit nito. Kumbaga, this place is haunted. Or may sumpa ang Crossing, and what if, i-generalize ko na: May sumpa ang urbanisasyon.

Alam mo ba ang kapangyarihan ng manunulat, puwede kang makagawa ng “reyalidad” na papatok at ikakayaman mo. Naaalala ko noong panahon ng mga brownout sa gobyerno ni Aquino, ipinauso ng mga tabloid tulad ng Abante at Bulgar ang serye ng mga naglilipanang manananggal sa siyudad. Sabi nila, kumakalat daw ang mga hati-hating tao tuwing nawawalan ng supply ng kuryente ang buong Pilipinas. Natakot ang mga bata. Naihi sa palda ang mga matatanda. Isa itong malaking katatakutan noong panahong iyon. Pero matapos ang ilang taon, inamin ng manunulat ng mga pahayagan na isa itong malaking hoax. Gawa-gawa lang ito.

Tulad rin ng “hysteria” nang diumano’y pagtatarak ng injection na may dugong infected ng AIDS noong panahong tinaguriang tiger cub ang Pilipinas. Or in short, pagiging pusa ng Pilipinas sa Asya. Tinakot ang mga patron ng manonood sa SM cinemas. Mayroon daw baklang may AIDS na naghihiganti sa sambayanang Pilipino. Ang balita, baliw na baliw si bakla kaya’t bawat isa sa kanyang lipi ay nais bigyan ng HIV. Maraming pragmatikong film historian ang nagsabing ito na raw ang simula ng pagbagsak ng Pelikulang Pilipino. Nawalan ng gana sa panonood ng pelikula sapagkat kaakibat nito ay ang panganib na maaari mong sapitin sa dilim. Sino ba naman ang gustong magkaroon ng HIV? At tulad ng naunang ehemplo, gawa-gawa rin pala ang lahat ng ito. Walang mad homo sa mga sinehan. Walang may dalang HIV na dugo sa kanyang tampipi. Walang may injection sa dilim, walang may AIDS sa Pilipinas maliban kay Sarah Jane at Dolzura Cortez (huh!), at walang katibayang may lumantad na taong nagka-AIDS dahil sa panonood ng mga pelikula ni Da King at Ate Shawie.

Biktima na nga ba ako ng sensationalism? Kung ganoon, I am a prostituted journalist. At ang mga sumusunod ay prostituted products of a dysfunctional enzyme – BABAE TUMALON SA CROSSING DUROG! o “BABAENG TUMALON SA UNDERPASS, PINATAG NG TRAK! Napakahabang mga headline. Maaaring hindi makapasa sa editor dahil siguradong magkakaproblema ang lay-out artist. At hindi rin nating maikakailang isa itong pambababoy sa katawang minsa’y hinele ng kanyang ina, o sabay na niyakap ng kanyang panganay at bunso, o minsan isang gabi ay naganap ang telefantastikong “tamis ng unang halik.” Ngunit sa isang banda, maaaring gumana sa mambabasa ang headline na ito dahil sa napaka-dramatiko nitong elemento. Papaganahin nito ang lahat ng panamdam. Mararamdaman mo ang panaghoy – hindi lang sa antas emosyonal, ngunit sasaksak pa sa antas ng pisikal na sakit. Uulit-ulitin ng makinarya ng ating utak ang mga sumusunod na katanungang umuukilkil sa ating walang habas na malay sa lahat ng tao anuman ang uring kanyang kinabibilangan.

Unang lebel:
1.Paano nga ba nadurog ang babae?
2.Gaano kataas ang overpass na kanyang tinalon?
Nabagsak ba muna ang babae bago nasagasaan/nadurog, o saktong sapul ng trak pagbagsak nito?
3.Gaano kalaki ang trak?
4.Ano nga ba ang naunang apakan ng gulong ng trak – ang ulo ba o ang paa? (parang larong heads or tails)
5.Gaano kalaki ang mga gulong?

Ikalawang lebel:
1.Ano ang nangyari matapos sagasaan?
2.Ano ang kulay ng laman?
3.Paano sumambulat ang kanyang dugo sa EDSA?
4.O paano sumirit ang kanyang dugo?
5.Paano pumusisyon ang babae matapos sagasaan?
6.Nakaharap, nakatagilid, o nakatalikod?
7.Ano ang itsura ng kanyang katawan habang kinakaladkad ng trak?
8.Ano ang itsura ng kanyang bituka?
9.May laman ba ang bituka ng kumalat sa EDSA?
10.Paano napunit ang kanyang mga balat?
11.Paano ang kanyang mata – sumabog din ba kasama ng kanyang luray-luray na katawan?
12.Tumitibok pa ba ang puso ng babae?
13. Nakalabas na ba ang puso?
14. Dinurog din ba ng trak ang kanyang puso?
15. Ano ang kulay ng kanyang puso, kakulay din ba ng kanyang mga laman?
16. Ano ang itsura ng kanyang utak?
17. Kasama rin bang pinatag ng gulong ng trak ang utak, e di parang naging giniling?
18. Nadukot na ba ang katawan?
19. Winalis ng Metro Aide?

Ikatlong lebel:
1.Sigurado bang babae?
2. Baka naman lalaki? okey lang.
3. E nasaan ang mga pulis sa kaganapang iyon?
4. Hindi man lang ba pinigilan ng taong bayan?
5. Nasaan ang MMDA?
6. Bakit walang fence ang overpass?
Bakit hinayaang tumalon ng mga tinderang nakapalibot doon?
E may Shawarma stand na malapit doon na maraming tao, walang nakapansin?
Shet dumadaan pa naman ako dun galing Tolda (isang sikat na murang inuman sa Crossing), may nagpapakamatay pala doon?
Nahuli ba ang drayber ng trak? Naku hit and run yan!

Ikaapat na lebel:

Maganda ba ang babae?
Maputi at makinis ba?
Malaki ba ang suso ng bangkay?
Ano kaya ang pakiramdam ‘pag nilalamas ang suso ng bangkay?
May init pa kaya ang puki ng isang bangkay?
Ano kaya kung kinantot ko ang babae bago nagpakamatay?
Ano kaya kung nagpa-tsupa muna ako sa kanya bago tumalon?
Ano kaya ang itsura ng pekpek niya nang nasagasaan ng trak?
Ano kaya kung “fininger” ko ang kanyang bangkay sa gitna ng EDSA?
Nakayapak ba siya nang nalaglag at nasagasaan?
Ano kaya kung dinilaan ko ang kanyang mga daliri sa paa habang tumatagas ang kanyang dugo sa lahat ng kanto ng kanyang laman?
Ano kaya kung inihian ko ang kanyang bangkay sa EDSA?
Ano kaya kung kinuha siya ng trak drayber na nakasagasa sa kanya at ginalaw ang kanyang bangkay?
E paano kung nakipag-threesome ako kasama ang trak drayber at bangkay, paano namin hihimayin ang isa’t isa upang ito ang aking pinakamasarap at pinakamakasalanang pagniniig sa aking buhay?
May libog pa ba ang bangkay?

At para sa ibang prostituted journalist na tulad ko na biktima rin ng mga makakasalanang sandaling pilit naming iniiwasan at isinusuka, hindi ko ikinakailang gabi-gabi’y minumulto ako sa aming panaginip ng ika-apat na lebel ng mga katanungan. Minsan, ito ang aking bangungot. Sa akin, bilang isang manunulat sa tabloid – Ito si Kamatayan na sumusubok sa reputasyon at aking ideyalismo bilang manunulat at taong may dignidad.

(TULAD KO – sapagkat aaminin ko, isa akong makasalanan at makamundong manunulat. Nais kong maghanap ng balita sa gabi sapagkat madalas, nag-iinit ang aking sistema at katawan. Bukod sa mga ligaw na kaluluwa pagkagat ng dilim, may madadarang na sandaling hindi ko maiwaksi. Tulad ng isang gabing nasaksihan ko kung paano namatay ang isang matipunong lalaking pinukpok ng dos-por-dos sa mga laberinto ng Pandacan – nang nasa punerarya ako at kitang-kita ko ang kanyang buong katawang hubo – nabulag ako. Nais kong hawakan ang sulok-sulok ng kanyang matikas na katawan. Bawat kanto. Bawat kurba. Lihim kong ipinasok ang aking daliri sa kanyang pusod. Hinawakan ko ang kanyang tite. Mainit-init pa ito. Sumimple ako. Dyinakol ko ang tite ng bangkay. Pinakamabilis na pagkakalinga ng aking mga palad sa mga nangungulilang tite na aking nakakasalamuha. Nagulat ako, may kaunting tamod na lumabas sa tite ng bangkay. Kinuha ko ito at inilagay sa dulo ng aking dila. Lasang katas ng kaimito. Nakakapaso. Pinakamasarap na pagkapaso sa aking 25 taong eksistensya.)

Minsan masarap basahin sa Freud. Kung hindi lang siya anti-female. Dahil totoo, may mga antas nang pagkabulag at pagkamulat sa dimensyon ng ating malay – at wala itong sinisino. Bawat isa sa atin ay nahaharap sa sangandaan ng mga subersyon – mula sa ating mga simpleng tanong sa insidente ay maaaring umabot sa pinakakarimarimarim na mga detalyeng ayaw man nating tanggapin, ay kinalulugod naman nating isuot sa ating mga sarili. Ito ang mga lihim na reyalidad sa ating pagkatao na kahit ating sarili ay hindi natin matanggap. Sapagkat ang pinakatapat ng mga fantasya’y madudumi’t walang disiplina. At kahit isuka pa natin ang ating buong kaluluwa – may mekanismo sa ating laman na ito’y katanggap-tanggap. At ang pinakadelikado, kung walang proper quorum at decorum ang isang tao, o kung walang right manners at conduct, o core values at mission vision statement sa sarili ang isang sinusumpong ng ika-apat na lebel na agam-agam – malamang nagpatianod na ito sa tamis ng kasalanan.

Kaya’t hindi nakapagtatakang marami tayong babasahin na nagluluwal ng mga headline tulad ng: “BEBOT, NILURAY NG TRAK,” “MESTISA, PINULBOS SA HI-WAY,” “SEKSI, NAGILING SA EDSA,” “TRAK, GINAHASA ANG LAMAN NG MESTISA,” “TSINITA, TIGOK,” “MORENA, DEDO”. At kung pipiliin ng editor ko ang mga headline na ito, malamang papatok ito. Ito naman ang tradisyon ng maraming pahayagan sa Pilipinas – ang pagbebenta ng pornograpiya ng laman, kamatayan at kasalanan.

Samantala, sa mga naitalang listahan ng ating tanong, matingkad ang kawalan ng isang aspeto sa kamatayan ng babaeng piniling tumalon sa Crossing: ang salik na -- ANG KANYANG KASAYSAYAN.

Sino nga ba siya – sa marami, basta babae. Isa pang papasta sa diksyunaryo ng mga konsepto – malamang adik ‘to o hiniwalayan ng boyfriend/girlfriend – mga kasaysayang nakahiwalay sa tunay na konteksto o hermeneutiko niya bilang isang nilalang. Yun lang, paano nga ba natin bubutbutin ang kanyang problema? Or better, paano ba natin magagamit ang “Historization” process ni Fredrick Jameson na siguro’y dapat talagang gamitin ng mga manunulat lalo na sa tabloid?

Or para simple – paano mo ba naman bibigyan ng respeto ang isang nilalalang na nilamon ng milyun-milyung pangalan sa kanyang bansa? Paano mo palulutangin ang isang ordinaryo na sumuko sa lahat ng kanyang mga suliranin? Hindi ito isang madaling trabaho.

Kaya maaring ilagay ko sa pahayagan – “BABAE, NAWALAN NG PAG-ASA,” “BABAENG NAWALAN NG TRABAHO, TINAPOS ANG LAHAT,” “SA HIRAP NG BUHAY, SUMUKO”

Ngunit nakakatakot, ang pagsusulat ay isang politikal na gawain. At minsan maari mong maapakan ang tenet ng pagsusulat ng balita. SIDE A. SIDE B. Paano mo ito uulit-ulitin sa iyong utak. Nag-alsa na ng mga estudyante nang dahil sa balita’t headline nito (Philippine Collegian, The Catalyst). Nagpabagsak na nga ng pangulo ang isang headline at balita sa diyaryo (Pinoy Times, Manila Times, at Philippine Daily Inquirer). Kaya’t sensitibo ngang maituturing pero may lokasyon sa kasaysayan ang pagsusulat ng balita at ang payong nito – ang headline.

O sige kung ako ang papipiliin – Tumalon ang babae dahil sa kahirapan (hasty generalization). Dahil wala na siyang makitang pag-asa sa kanyang bayan (hasty generalization). Namatay ang babae dahil masyadong mataas ang mga buwis sa Pilipinas (hasty generalization). Or dahil sa mababang pondo ng health sector, hindi niya mapagamot ang kanyang bukol sa matris (hasty generalization). O dahil isa siyang pesante sa Hacienda Luisita na hindi pa rin nakukuha ang lupang nararapat sa kanya (hasty generalization). O dahil isa siyang tindera ng mga mansanas sa Baclaran na nalugi dahil sa paglamon ng globalisasyon (hasty generalization). So ano ang headline na tumutukoy sa lahat ng ito?

DAHIL SA PROBLEMA SA PINAS…
BABAE BUMITAW!

O baka naman bukas ay marami nang magpakamatay. O dumami ang suicide club sa Pilipinas. Puwede magkaroon ng WTO, IMF, AND WB SUICIDE CLUB, GLOBALISASYON IBAGSAK SUICIDE CLUB, IMPERYALISMO IBAGSAK SUICIDE CLUB, BURUKRATA KAPITALISMO SUICIDE CLUB, EVAT SUICIDE CLUB, P125 WAGE HIKE SUICIDE CLUB, OIL DEREGULATION SUICIDE CLUB, JUSTICE FOR NINOY SUICIDE CLUB, HACIENDA LUISITA SUICIDE CLUB, OFW SUICIDE CLUB SAUDI CHAPTER.

Paano ko nga ba ipupuwesto ang aking sarili bilang isang manunulat sa panahong ito? Mga katanungang puwedeng ibandera mo sa hinuha habang naglalakbay ang iyong malay na lagalag tuwing alas-tres ng madaling araw. May headline ako sa aking sarili: MANUNULAT NASA PANGANIB. Ngunit sa kabila nito, ang kakatwa’t hindi ko maunawaan sa sarili, pumapatok sa akin ang balita at headline ng mga trahedya, kamatayan at pagkitil ng sariling buhay. Sapagkat sa tuwing napapadaan ako sa mga sulok at kanto nito, tila ipinapanganak akong muli. Nagmamadali ang pagdaloy ng mga dugo sa aking mga ugat sa tuwing sumasambulat ang mga eskadalosong katawang hubad sa punerarya, o sa tuwing natutunaw ang puso sa kahabaan ng hi-way, o sa tuwing nasa gilid tayo ng bangin.

Mahaba at malawak na headline: TRAHEDYA NG PANAHON. Sapagkat ngayon at higit pa man, nabubuhay tayo sa pista ng pagkamatay at pagkabulok. Tayo ay mga tambay sa tahanan ng kamatayan, sa espasyo ng imobilidad, at lunan ng pagkasira at paglisan. Yun nga lang, sa diyaryo, ang kasaysayan ay puwede mong tapusin sa TULDOK.

Monday, May 15, 2006

SHAWARMA NIGHTS

Sa darating na Hulyo, lalabas ang aking kauna-unahang nobelang erotiko -- Shawarma Nights. Kasabay nito ang nobela rin ni Dada -- Kung paano mo isalba ang sarili mong buhay...

ITO ANG KONTING PATIKIM SA AKING NOBELA:

mula sa kabanata ng "Huling Last Full Show ni Betsay"

...

Brokeback Mountain ang palabas. Siya na lang yata ang tao sa loob ng sinehan. Pinagsawaan na ito ng maraming baklang nalugmok sa konsepto ng “ang pag-ibig na wagas ay ang pag-ibig na hindi makakamit.” Naka-move on na ang marami sa kanila. At ngayon, unti-unti nang nawawala sa kanyang isip ang ispektakulo ng laman sa ilalim ng Crossing. Napalitan ng imahe ng Wyoming ang kanyang nilay – ang mga damong parang mga pisi ng saranggola, ang mga tupa na parang mga bulak na naglalakad, ang mga malamlam na kulay ng mga puno at bundok at ang dalawang cowboy na nagmamahalan.

Nahanap niya ang sarili kay Ennis (Heath Ledger) at Jack (Jake Gyllenhaal). Sa isip niya, nakayapak din siya kung umibig. ‘Yun nga lang walang sumasalo ng kanyang pag-ibig dahil walang nais sumalo.

Nagsimula siyang mag-self pity.

“All I want is somebody who will love me for who I am. Mahirap ba yun? Ako si Ennis at Jack. Hindi nga lang ako bakla. Ngunit ano nga ba ang pagkakaiba ko sa kanila? Pare-pareho lang kaming mga taong grasa ng pag-ibig. Mga pulubi ng pagmamahal.”

Basang-basa na ang kanyang labakara dahil sa hindi matigil na pagragasa ng kanyang luha. Ang dami niyang angst. At espongha niya ang obra ni Ang Lee.

Nakatitig siya kay Jake Gyllenhaal. Nasasaktan siya para rito.

“Jake, you have so much to give. Sayang…”

“If only…”

Umiyak siya nang tuluyang pinatutugtog ang lapat ng musika ni Gustavo Santaollala. Gininaw siya. Naramdaman niyang tumatagos sa kanyang taba ang mararahas na sentigrado ng aircon. May kulang. Ito ang kanyang nadarama. Sa gabing ito, nangulila siya. Hindi niya alam kung kanino. Mga bisig. Yakap. Nais niyang may sumalat sa kanyang mga katawan.

Pumikit siya. Bumagsak ang luha sa kanyang kaliwang mata. Bisig ang kailangan ni Betsay. Kailangan niya ng init ng laman.

Pagdilat niya mula sa MTV ng mga masasakit na sandali ng kanyang buhay, may lalaking nakatayo sa harap niya. Nakangiti sa kanya si Jake Gyllenhaal o Jack Twist sa pelikula.

Nahiya si Betsay.

“Jack Twist,” bulalas ni Jake Gyllenhaal habang inaabot ang kanyang kamay kay Betsay.

“Betsay,” sagot naman niya habang dumapo ang kamay ni Jake Gyllenhaal sa kanyang mamasa-masang palad.

“Your folks just stop at Betsay?”

“Betsay Ordinario.”

“Nice to know you, Betsay Ordinario”

“Hindi ko alam na nandito ka pala. Matagal na kitang hinihintay.”

Niyakap siya ni Jake Gyllenhaal. Mahigpit. Parang anak na naghahanap ng magulang. Tila batang natagpuan ang kanyang ina matapos ang 20 taong paghahanap. Nais niyang sumisiksik sa bawat eskinita at sikip at katawan ni Betsay. Nais niya makaramdam ng init.

Maya-maya ay dinala ni Jake si Betsay sa harap ng sinehan.

Tila satin ang katawan ni Betsay habang naglalakad. Walang bigat. Ang mga tabang nakalaylay sa kanyang katawan ay tila mga nakausling mga kabibi sa paanan ng dagat. Sa unang pagkakataon, naglakad siya nang walang bitbit na cellulites. Hubo. Kung may pinakamagandang babae sa sinehan – siguradong si Betsay na ito. Paulit-ulit ito sa isip niya.

I am beautiful. I am beautiful. I am beautiful. I am beautiful. I am beautiful.

Tinitigan niya si Jake Gyllenhaal. Ginagantihan din siya nito ng titig. Nangungusap ang mata ni Jack Twist. Sinasabi ng kanyang iris at retina kay Betsay – pasukin mo ang aking kaluluwa. Tumigil si Betsay sa paglalakad. Hinipo niya ang areola ng kanyang malaking suso. Para itong bagong sikat na araw. Tila dagitab sa balintataw. Namumukadkad na santan tuwing alas-singko ng umaga.

Mga santan sa dila ni Jake Gyllenhaal.

Maya-maya’y hindi nakuntento si Betsay. Nais niyang maging marahas.

“Wag kang mangulila kay Ennis del Mar. Nandito na ako. ” Sabay yakap ng mahigpit kay Jake Gyllenhaal. Sinalat niya ang lahat ng parte ng katawan ni Jake. Para itong santo.

May kultura ng pagsalat si Betsay na nakuha niya sa panonood ng mga soft porn ni Vilma Santos noong 1980s. Marahan lamang. Parang hindi siguradong pagkapa ng isang tatlong taong gulang na bata sa teklado ng piyano. Do-re-mi. Hanggang sa umabot na ito sa Book Two ni John Thompson – kaya nang tumugtog ng Mary Had a Little Lamb at Happy Birthday. Hanggang sa magiging mabigat ang mga daliri sa mga teklado o pagiging beterano sa estilong chopstick – magiging Beethoven Moonlight Sonata (Piano Sonata No.14 in C-sharp minor), Schubert Impromptu No.3 (G flat major D) at Chopin Fantaisie-Impromptu in C sharp minor).

“Gyllenhaal, nais kong ipasok mo ang iyong daliri sa aking vulva,” pakiusap ni Betsay.

Ipinasok naman ni Gyllenhaal.

Sa simula’y para lamang itong nagpapastol ng mga tupa. Maingat. Dahan-dahan. Hanggang sa naging marahas na ito. Halos ipasok na nito ang buo nitong kamay. Para siyang hinahabol ng oso habang nakasakay sa kanyang kabayo.

“Ay!Ay!Ay!” Ito lamang ang tunog na inululuwal ng bibig ni Betsay. Nang parang may lumabas na dugo sa kanyang puki, nahimasmasan siya kaya’t siya naman ang nagmane-obra ng kanilang pagtatalik.

“Gyllenhaal, gusto kong isubo ang tite mo.”

Walang bahid nang pag-aalinlangan si Jake Gyllenhaal. Hinayaan niya itong isubo ni Betsay. Wala siyang konsepto ng paglabag. Mapagparaya siya sa gabing ito.

May kultura din ng pagsubo si Betsay na natutunan niya sa panonood ng video ni Pamela Anderson habang sinusubo ang malaking tite ni Tommy Lee.

Sa simula’y parang kumakanta lang si Betsay ng mga kanta ni Yasmin Kurdi. May bahid pa ng kakimian at kahihiyan. Hanggang sa kumanta ito ng mga kanta ni Nina. Hindi masyadong agresibo ngunit bumibirit kahit papaano. Maya-maya ay mga kanta ni Regine Velasquez. Humahalinghing na si Jake Gyllenhaal. Hindi na niya makayananan ang kiliti sa paglaro ng dila ni Betsay sa butas ng ulo ng kanyang tite Hanggang sa kumanta na ito ng “Luha” ng Aegis. Falsetto kung falsetto.

Sumabog si Jake Gyllenhaal. Sumabog ito sa bunganga ni Betsay. Nagkaroon ng Fountain of Trevi sa kanyang bunganga. Nalasahan niya ang tamod ni Jake. Lasang dagat.

Naalala niya ang dagat sa kanyang pagkabata. Kung paano siya nakaapak ng dikya sa dalampasigan at namaga ang kanyang mga paa. Hindi siya tinulungan ng kanyang mga kapatid. Tinutukso siya ng “Dikyang Taba.” Iyak siya ng iyak.

Basa. Basang-basa rin si Betsay sa pagkakataong ito. Parang naligo sa dagat. Alon, may alon ang kanyang puki. Humampas sa hindi mawaring dalampasigan. Nakabuo ng mga hydrograpiya ang dagat sa kanyang puki -- Bangka. Ulap Cirrus. Puso. Naluha siya. Sa unang pagkakataon, nagmahal siya ng totoo. At sa isip niya, hindi lang pala sex. Kahit naramdaman niya ito matapos ang kanilang umaatikabong sex.

“Gyllenhaal, my heart beats faster, and faster, and faster…”

“Tell you what... truth is, sometimes I miss you so bad that I can hardly stand it...” mahinang sinabi ni Jake habang ibinigay niya ang kanyang sumbrero kay Betsay.

Hindi na lang basta lumuluha si Betsay, walang tigil ito sa pagbagsak. Rumaragasa.

“Ya know, it can be like this... just like this... always,” maamong sagot ni Jake habang inaalo si Betsay sa kanyang pag-iyak.

Niyakap siya ni Betsay nang mahigpit hanggang sa hindi rin nagtagal ay nagpaalam si Jake Gyllenhaal sa kanya.

Lumabas si Betsay ng buo ang loob.

Sabi niya sa sarili – bagong Betsay ang lalabas sa Shangri-La Cineflex.

Pinunasan niya ang kanyang luha. Marami siyang promise sa sarili. Mag-eenrol siya sa Gym. Mag-aaral siya ng belly dancing. Magiging vegetarian siya. Bibili siya ng mga damit na kaunting masisilayan ang bahagya ng kanyang katawan. Iinom siya ng Xenical. Lahat ay kanyang gagawin upang mag-work ang kaniyang relasyon kay Jake Gyllenhaal.

At habang naglalakd siya, patuloy pa rin ito sa makinarya ng kanyang utak -- I am beautiful and I am loved….

At bago matulog, hinalikan pa niya ang maliit na estatwa ni St. Jude na nakalagay sa kanyang altar.

“Milagro,” aniya.

At kinabukasan, marami ang nakapansin sa malaking pagbabago kay Betsay. Nagpalakpakan ang buong Creative Department nang pumasok ng opisina si Betsay. Puno ng kolorete ang kanyang mukha. Abot singit ang kanyang slit. May kakaibang sigla ito sa kanyang trabaho. Iba na nga si Betsay sabi ng kanyang boss at mga ka-opisinang sina John, Pete, Alfred at Tommy.

May nakain daw itong kakaiba – hula nila, talaba.

At pagkatapos ng kaniyang trabaho, hindi alintana ni Betsay ang dahas ng gabi. Hinahabol niya ang oras, parang walang grabedad. Nawala ang kanyang bigat at magneto sa lupa sa pagmamadali. Hahabulin niya ang last full show ng Brokeback Mountain. Ito ang kanyang date kay Jake Gyllenhaal.

At bago umakyat ng sinehan – dumiretso siya sa P10 pisong kubeta sa Shangri-la. Doon, halos maubos sa kanyang mukha ang kabibiling pulbos sa Avon na “Tatiana.”

Naaalala niya tuloy ang linya ni Jake Gyllenhaal sa pelikula tungkol sa mga babaeng mahilig magpulbos.

“Ever notice how a woman'll powder her nose before a party starts, and the powder it again when the party's over? Why powder your nose just to go home to bed?”

Matamis ang ngiti ni Betsay.

Pagbalik niya sa sinehan, ginulat siya ng pangyayari, wala ng Brokeback Mountain. Ang pumalit, Truman Capote ni Phillip Seymour Hoffman.

“Miss wala ng Brokeback,” tanong niya sa takilyera,

“Wala na po, wala ng nanonood. Capote na lang po.”

“HINDI PUWEDE ‘TO!,” sigaw ni Betsay. Nagulat ang takilyera. Napatingin ang mga mayayamang patron ng sinehan.

“E wala na nga e, pinull-out na, mag-DVD ka na lang! Next!,” pagtataray ng pagod at pasmadong takilyera.

Nanlamig ang buong katawan ni Betsay. Parang yelong natutunaw sa isang basong tubig.

Pumunta siya sa isang gilid. Natunaw ang kanyang eye shadow. Namuo ang Tatiana at naging libag ito sa kanyang mukha. Niyakap niya ang sumbrero ng Jake Gyllenhaal nang mahigpit na mahigpit, hanggang sa nagdugo ang kanyang puso.

“I wish I knew how to quit you…”

Sa unang pagkakataon, naramdaman niya ang grabedad na sumiksik sa kanyang kaloob-looban.

Wednesday, December 07, 2005

Love in the time of Depression...*

Pag-ibig bakit ka ganyan?

Aruy. Parang timebomb sa aking dibdib. Tila click ng kamera – mas maikli pa sa nanosegundo. Mabilis ang paghambalos ng mga eksena: Kung paano mo sinabi, kung paano mo ako tinalikuran, kung paano ang kulay Magenta na alas-singko ng hapon sa Manila Bay ay tila dilim ng patay na alas tres na madaling araw.

Mahal batid mo bang, parang chicharon na napupunit sa aking dila ang pag-usal ng “Mahal, bakit mo ako iniwan?” Alam mo bang may hugis ang lungkot sa aking gunita – parang sperma ng kandila sa isang bandehadong tubig – hiwa-hiwalay, tila mga pulo at bansa. Ang Europa – ang geograpiko ng masasayang sandali ng 1st monthsary nating pinaliguan mo ako ng asul na petalya. Ang Amerika – ang ating ika-unang taon – kung saan hubad tayong tumatakbo sa isla ng mga bulag. Ang Aprika – ang ikalawang taon natin sa tuktok ng bundok ng Sagada kung saan naglaro ang ating malalagkit na balat. Ang Asya – ang araw ng ating kasal. Ang aking wedding gown – Monica Lhuiller. Ang singsing – Da Beers. Ang ating ninong – Si Jaime Zobel de Ayala. Ayoko nang isa-isahin, ikamamatay ko pa.

Sana nga, tulad sa kalamidad ng mga pulo at bansa, hawiin ito ng tsunami at mga bagyo. O kaya’y mas masaklap, may bumagsak na planeta.

Sa haba ng tinagpo ng ating relasyon, ngayon ko lang napagtanto – wala itong pinagkaiba sa drama ng selyuloyd. Ang atin ay tila panorama ng isang tagpong pinagtagni-tagni – na ang umpisa, gitna o katapusan – ay sinadya. Isang gawa-gawa. Mahal ko, tayo ay Aristotlean drama, o para mas unibersal, tayo ay telenobela…

Ang atin ay pinaghalu-halong tagpo ng ilang mga matatamis at masasakit na pelikula tulad ng:

1. Before Sunset (Richard Linklater) – Lahat tayo naghahanap ng closure. Paano mo isasara ang pahina ng saglit na pag-ibig. Umiiyak ako ng kumanta si Celine kay Jesse, sa isip niya, ito na nga ang huli, ang katapusan ng lahat. Isang elehiya. Tulad ng sa atin.

2. Lost in Translation (Sophia Coppola) – Lahat tayo biktima ng alyenasyon – ang dalawang magkatipan ay maaring biktima ng maling espasyo, pagkakataon at oras. Kung may teorya ang pag-ibig: ito ay Time-Space Continuum ni Herman Minkowski.

3. In the Mood for Love (Wong Kar Wai)- Unconsumated love. May haplit sa puso ang magkasintahang hindi man lang naging magkasintahan.
4. Happy Together (Wong Kar Wai) – Mahal, tatapusin ko na ang lahat. Maaring hindi nga tayo para sa isa’t isa, pero mahal, ikaw ang aking habambuhay…5. Notting Hill (Roger Michell) Lahat tayo ay putik kung umibig. I am just a girl standing in front of a boy, asking him to love me.

6. The English Patient (Anthony Minghella): "I will carry you in the palace of winds..." Kung ang lahat ng lalaki ay tulad ni Ralph Fiennes.7. Husbands and Wives (Woody Allen) – Mahal, mamahalin mo ba ako hanggang botox na lang ang nagbibigay laman sa kurba ng aking mukha? Ngayon, tayo ang Mia Farrow at Woody Allen ng panahon.8. May Minamahal ( Jose Javier Reyes)- Sabi ni Mao Zedong: If we fail to reach the Great Wall we are not men. Lahat tayo, makakarating sa taluktok ng pag-ibig, umasa ka, kumapit ka, wag bumitaw…

Inuukit ng mga montages nito ang ating pelikula – ang ating drama at pag-iibigan. Ang ating trahedya.

Totoo nga bang ang pag-ibig na wagas ay ang pag-ibig na hindi makakamit?

Ngayon, tandang pananong ang krusipihong sumaksak sa aking puso at kaluluwa.

Aruy.

*para kay jas at ana

Wednesday, September 14, 2005

Interogasyon: Manny Pacquiao

Resbak
(Ang Bayang Bugbog Sarado)
nina Vincent Jan Cruz Rubio at Benrey Densing

nailathala sa Shimbun at Star Alert

Noong nakaraang linggo, para sa maraming Pilipino, ang mundo ay hugis-kamao.

Paco, Manila. A.M
Dumagundong at umingay muli ang barangay ng Zamora sa Paco habang hilong napaluhod ang Mexicanong si Hector Velasquez sa magkakasunod na banat ni Manny Pacquiao nitong linggo (Manila time) sa kanilang laban sa Staples Center, Los Angeles. Lalo pang naghiyawan ang buong baranggay nang hininto na ang laban at idineklarang panalo si Manny sa pamamagitan ng KO bago matapos ang round 6. Sa oras na ito parang tumigil ang pag-ikot ng buhay na mga tao para magkuwentuhan sa matagumpay na laban ni Pacquiao.

Noong simula’y tahimik muna ang mga magkakapitbahay, medyo nahirapan kasi si Manny na tantsahin ang laban dahil sa bigat ng jabs ng world ranked na si Hector Velasquez (ngayon ay 41-11-2, 30 KO’s) ng Tijuana, Mexico. Hindi pa ito natinag kahit na simula nang padapuan ng mga 1-2 combinations ni Manny (40-3-2, 31 KO's) sa 2nd hangang 4th round. Unit-unting bumibilis ang tagay dahil nakakuha na ng diskarte si Manny noong 5th round. Round 6, parang napunta sa amin ang boxing dahil niratratan na ni Manny si Velasquez at tuluyan nang nalambutan ng tuhod at nahilo – ayun nagpiyesta na ang mga lasing!

Davao City, Mindanao. A.M
Sa isang plantasyon ng pinya sa Bangkal Davao City, walang hindi nakakakilala kay Pacquiao. Lahat ng kalalakihan sa lugar ay nais maging sikat na boksingero tulad ng kanilang idolo. Sa kanilang altar, kadikit ng poong Hesukristo ang imahe nina FPJ at Pacquiao. Ilang gabi na ang nakaraan, dinasalan nila ang kanilang poon na maging matagumpay ang susunod na laban ng kanilang idolo.

Alas-diyes pa lang ng umaga, tumigil na ang mundo ng mga taga-Davao City. Punong-puno na ang malaking bodega ng mga imbakan ng pinya kung saan matatagpuan ang kaisa-isang TV sa loob ng plantasyon. Ang lahat, hindi ininda ang gutom at uhaw, nag-aasam sa pinakaabangang laban ni Pacquiao.

At hindi naman binigo ni Pacquiao ang marami – tila pinawi ng pagkapanalo nito ang mga pagal na katawang hinapo ng pagod at pag-aasam.

PILIPINAS. Ilang araw bago ang laban ni Pacquiao
Nag-aalala ang marami bago ang laban ni Pacquiao sa Amerika sapagkat marami ang nagsasabing kulang ang panahon ng paghahanda ni Pacquiao. Matatandaang ilang buwan lang ang nakaraan, nabigo nitong ipagtanggol ang kanyang korona laban kay Erik “El Terible” Morales. Lumabas din si Pacquiao sa ilang mga palabas sa telebisyon at pelikula. Noong mga nakaraang buwan, artistang-artista na nga ang dating ni Pacquiao.

Ngunit marami ang nagsasabing sa kabila ng matinding kagipitan ng Pilipinas sa pera, isa si Manny sa pinakamalaking moneymaker sa larangan ng boxing. Kamakailan lang, nakipag-areglo si Murad Muhammad kay Manny Pacquiao. Dahil dito, nakakuha si Pacquiao ng tinatayang P440 milyong piso bukod pa sa $2 milyong dolyar na makukuha sa HBO. Sa tala, maaaring umabot ng $800,000 bilang kapalit sa pag-urong ni Pacquiao sa $33-M damage suit na isinampa laban sa promoter. Dagdag nito, nakakuha rin ng halagang $2-M si Pacquiao bilang share sa HBO pay-per-view receipt na nabinbing ibayad kay Pacquiao dahilan sa pagdemanda niya kay Murad.

Si Pacquiao na nga ang isa sa pinakamapangyarihan at pinakamayamang atleta sa mundo. Sa panorama ng telebisyon, sunod-sunod ang imahe ng tagumpay ni Pacquiao: ilang daang libong dolyar, ilang milyong piso, courtesy call mula sa pangulo ng bansa, komersyal, pelikula, at magagarang buhay at lupa, at siya rin ang kauna-unahang Pilipino na character sa Play Station 2.

Samantala, para sa maraming Pilipino ang kanyang impluwensya at yaman ay labas pa sa kanyang tunay na pagkabayani. Maituturing na isa sa pinakabantog na imahe ng makabagong panahon si Manny Pacquiao. Sa marami, ang kanyang pagkapanalo ay para na ring pagwawagi sa isang digmaang pandaigdig. Kung sa tunay na buhay ay palaging naaapi ang bansa, ang bawat tama ng kamao ni Pacquiao at pagkabagsak ng kalaban nito, ay tila pagluklok sa bansa sa pinakamalakas na puwersa sa mundo.

At tila makinarya naman sa isip ng maraming Pilipino, sana sila na lang si Manny Pacquiao na halos walang pagkakaiba kay Hesukristo -- nagpakasakit, nagpakahirap, at nagtiis, at lumao’y linugar sa tamang lunan ng kapayapaan at kasaganahan.

Kung ang mundo lamang ang hugis-kamao, malamang tayo ang nasa tuktok nito.

Paco, Manila. P.M
Nagbunyi ang buong baranggay ng Zamora sa Paco sa pagkapanalo ng kanilang idolo. Umuulan ng mani at gin-bulag. Bumagsak ang ilan sa kalasingan. Hindi maipinta ang ngiti ng maraming tao. Tamang-tama namang kasabay ng pagpanalo ni Pacquiao ay nanganak ang aso ng kanilang kapitan.

Pinangalan ng buong baranggay ang bagong silang na itim na tuta ng kapitan: si Pacquiao


Davao City, Mindanao. P.M
Masayang-masaya ang buong plantasyon. Lahat umaasa na maging boksingero balang-araw. Lahat nais maging katulad ni Pacquiao na naiahon ang buhay dahil sa tindi ng kamao. Hindi rin nagtagal, umuwi na rin ang lahat upang maghanda sa mabigat na trabaho kinabukasan. Lahat ay umuwi ng hindi napalamanan ng kahit anong pagkain ang tiyan. Lahat umaasa at nag-aasam na dumating ang panahon ay dapuan sila ng suwerte at maging ng kanilang idolong si Pacquiao.

PILIPINAS. P.M
Tulad ng dati, maalinsangan pa rin ang panahon. Mataas ang presyo ng bilihin at gasolina. Sa pagkapanalo ng Pilipinas sa pamamagitan ni Pacquiao, patuloy pa rin ang buhay na lumalaban. Patuloy pa rin ang pag-ikot ng mundong pinapangarap ng maraming maging hugis kamao. Hiling lang ng iba, sana nga kasing suwerte ng tulad ng kay Pacquiao.

Samantala, ang buhay, tulad pa rin ng dati – suntok sa buwan.