Sunday, September 11, 2005

Interogasyon: PINOY BIG BROTHER

HOUSEMATE FOR RENT
Isang pagboboso sa Pinoy Big Brother
Vincent Jan Cruz Rubio


Radikal ang set-up ng konsepto ng pinakabagong palabas ng ABS-CBN, ang Pinoy Big Brother (PBB): Mayroong 12 estranghero na magsasama-sama sa isang bubong. Lahat ng parte ng bahay ay kuhang-kuha ng kamera. Wala silang kawala. Lahat ng kanilang kilos at galaw – kitang-kita ng sambayanan. Walang itatago. Lahat ng baho, maaring sumambulat ilang segundo mula ngayon. Kaya naman, lahat ng aktibidad ng 12 estranghero, pinakaabangan, pinagmamatyagan.

Sa bagong palabas na ito ng sinasabing “pinakaopresibong” network sa bansa, tayong manonood, ay ang mga tsismosa ng panahon. Tayo ang mga usisero na tila mga kapitbahay na nais umungkat at kumalkal sa buhay ng ating mga katabing-bahay. Sa palabas na ito, maninilip tayo sa lahat ng aksyon at mga pangyayari ng mga taong (piniling) hinubaran ng pagiging pribado. Ang tunay na konsepto ng PBB, ay sama-sama (ang kapamilya na ika nga ng network) sa pagtatahip at pagtutunghay ng mga “makatotohanang drama ng eskandalo” na nasa panorama (o tila bintana) ng ating telebisyon.

Marami ang nagsasabing isang malaking salik kung bakit tila nga bumubulusok ang ratings ng PBB ay ang mapanlinlang nitong iskema: pinagsasalikop nito ang ating kulturang Pilipino ng pamboboso at pakikialam sa ibang tao (tsismis) sa aliwan o entertainment. Tila isa itong variety show ng tsismis, karnabal at eskandalo ng totoong buhay. Binubura nito ang linya sa pagitan ng realidad at kamera, at ang masaklap, pinagiisa nila ito.

Ngunit ang nakakatakot sa ganitong takbo, dahil napaka-makapangyarihan ng media sa pagbibigay ng bagong code o konsepto sa isang lipunan, binibigyang-lehitimasyon nito ang isang bagay na hindi katanggap-tanggap o lalo pang nagpapanatili sa isang bulok na kaayusan.


Huling-huli – walang sakto at kulang
Napakasaklap ng lagay ng 12 housemate sa PBB, dahil biktima sila ng panopticon at tayo ang mga nagdidiwang ng kanilang kawalan ng kalayaan. Pinatutunayan lamang ng palabas na ito na sa panahong ito, wala ng maari pang isa-pribado, lalo pa nga't nasa taxonomiya ka ng pagiging “ordinaryo.”

Panopticon ang isang estratehiya ng PBB. At dahil hindi maitatangging napaka-makapangyarihan nito upang humubog ng bansa, minaskara ang “sosyolohikal-sikolohikal-politikal” na antas ng panopticon sa pagiging “way of life” ng bawat isa – o katanggap-tanggap na yugto ng isang mapa ng siyudad. Di ba’t mapapatalsik si Gloria Macapagal Arroyo dahil sa panopticon na nagluwal sa “Hello Garci?” Ang wiretapping ay isang uri ng panopticon o paninilip. O kahit pa sa mga simpleng bagay tulad ng kamera sa building o mga establisyimento upang makita at mahuli ang mga kahina-hinalang elemento – lumulugar ang panopticon bilang isang napakahalagang makina ng makabagong siyudad.


Kumikitang Kabuhayan
At dahil bumubulusok ang ratings ng PBB na dahilan na rin sa pagkahumaling ng mga Pilipino sa panopticon, sinamantala ng ABS-CBN ang pagkakataon upang buhayin ang kanilang sadsad na estado.

Dahil batid nilang inaabangan ito ng mga tao, hindi lamang sa primetime pinapalabas ang PBB sapagkat halos buong araw/gabi, binubugbog nila ng mga updates ng nasabing palabas ang kanilang regular na programming. Kumbaga, tila ito na lamang ang esensya kung bakit tila nabubuhay ang network sa mga panahong ito.

At hindi pa nakuntento ang ABS-CBN dito, ang Sky Cable (na pag-aari din ng network) ay bumuo ng isang 24/7 promo upang mapanood ng lahat ng subscriber ang nagaganap sa mga housemate bawat minuto at segundo.

Ito nga naman ang sakit sa kapitalismo, walang kapawian ang tao, walang kabusugan.

Pseudo-may pagbabago
Gayung pinakabago ang konsepto ng Pinoy Big Brother sa kasaysayan ng biswalidad sa telebisyon sa Pilipinas, hindi naman maikakaila na tila pinagkasya naman ang mga challenges sa pinaka-istiryutipo at pinakagasgas na mga set-up.

Halimbawa, ang challenges tulad ng paghuhuli ng baboy, pagsasayaw ng walang katapusan, cross-dressing, pagtuturo sa aso, body painting, at iba pang kababawan ay wala rin namang pagkakaiba sa mga nakasanayan ng challenges ng mga variety program tuwing tanghali. Kumbaga, “tweaked” version ang mga challenges ng PBB sa mga komersyisalisado o sponsor-based na mga laro ng mga variety-game show sa Pilipinas.

Kung tutuusin, sumikat ang Big Brother sa buong mundo dahil sa angking galing ng mga konsepto ng kanilang challenges: dahil cerebral ang atake nito. Kabaligtaran naman nito ang ating bersiyon ng Big Brother. Pang-karnabal ang naging poste sa pang-araw-araw na challenges. Nakakalungkot din na mukhang hindi equipped o may dis-oryentasyon ang mga tao sa likod ng Pinoy Big Brother sa orihinal talagang konsepto ng Big Brother. Tila yata lahat ng mga brainstormer at writer sa variety block ng network ay kinuha upang muling bumuo ng isang karnabal ng ispektakulo ng Pilipinas at 3rd world.

Masaklap sapagkat pinagkakasya lamang sa PBB kung ano na ang nakasanayan at kung ano ang “tried and tested” na papatok sa tao. ABS-CBN formula pa rin ang nangingibabaw: walang kapangahasan, punong-puno ng kababawan, at minamaliit ang kamalayan ng bawat “kapamilyang” Pilipino.

Ang pagkatupok ng bahay ni kuya
Marami ang nagsasabing maaring baguhin ng PBB ang panoorin at biswalidad ng palabas sa Pilipinas. Ambisyoso ngang maituturing ang mga haka-hakang ito, ngunit makikitang malaki talaga ang potensyal ng mga genre ng breakthrough sa bansa. Isa itong malaking espasyo para sa tunay na pagbabago o reporma sa mga tipo ng palabas sa bansa. Ngunit isa lang ang lalabas sa interogasyong ito, hindi ang tulad ng Pinoy Big Brother makakalaya sa atin sa ating pagkabulag sa mga gasgas na ikonograpiya o nabubulok na takbo ng biswalidad sa Pilipinas.

At tulad ng sinabi ng isang host ng PBB noong nakaraang eviction night, maari nang isalba ang paborito mong housemate sa pamamagitan ng pagbili ng isang brand ng suka at pagkuha ng code nito at pagtetext sa iyong cellphone provider. Nakakatuwa sapagkat suka pala ang maaring makasalba sa mundo ng mga pangarap ng mga housemate.

Tanong: Suka kaya ang makakasagip sa nabubulok na estado ng mga palabas at sistema ng ABS-CBN?

Abangan. Isang gasgas na ending sa isang gasgas na network at palabas sa TV.

2 Comments:

At 3:31 AM, Blogger Tom said...

hi veej. finorward ko to sa mga egroups at kakilala ko. ang ganda ng rebyu mo sa bagong pakulo ng dos. sarap lagay sa sinewaya kaso tv show lang naman ito.

 

Post a Comment

<< Home