Sa'yo
Para siyang isang traysikel sa Katipunan na humaharurot eksaktong ala-una ng madaling araw. Mabilis. Rumaragasa. Hindi ko na nga maalala kung paano siya dumating sa akin. Naaalala ko lang -- nang pumasok ako sa bago kong trabaho bilang editor at sapilitan akong natutong magcomputer -- siya na agad ang bumungad sa akin.
Chat. Hindi naman ako marunong mag-chat. Takot nga ako sa komunikasyon sa telepono, takot akong marinig ang boses ko ng taong kausap ko. Kinakabahan ako. Pinagpapawisan. Lalo pa nga't chat. Maraming linggwaheng iiba. Asl. LOL. atbp. Akala ko nga, minura ako ng nakakuha ako ng mensaheng LOL, sabi ko "LOL KA RIN!"
Nakita ko ang kanyang larawan. Mukhang siyang gago. Tarantado. Sarap pagtripan. Ewan ko ba, marami kasi akong gustong paghigantihan. Nakaraan. Yun ang pinaka-dambuhalang isyu ko sa balat ng sangkalupaan. Noon. Dati. Gustong ibalik. Ang alin? Hindi ko alam. Pero totoo, alam na alam ko. Gusto kong mabuhay sa nakaraan. Sana noon na lang na kasama ko pa yung dating taong inakala kong maglilibing sa akin sa mga nectar ng santan -- sabi ng kalahati ng katawan ko. Pero hindi maaari.
Minahal ko kasi ang bawat pagsikat ng araw noon -- o kahit paglubog nito. Noon -- para ring mga kuwento ng dalawang romantiko sa mga palabas ng pelikula at telebisyon -- isa na yata ang aking ngiti sa pinakamatamis. Natural na natural. Sa pelikula, natural light. Walang gels o iba-iba pang ilaw. Mismo.
Unang telenobela. Mahal na mahal ko yung hindot na yun. Hindi ko makakalimutan kung paano nagdidikit ang aming balat. Nagrereact ang ph level. Alkoholik ako. Chain smoker siya. May koneksyon. Puwede mong tirahin ang una, kasunod ng pangalawa. O pangalawa, sunod ang una. Maaari namang pagsabayin. Kalabisan. Oo nabuhay kami sa mundo ng labis. Takot kami sa kakulangan. Pag nagsasama ang aming pawis -- nagiging apoy ito. Naglalagablab kami. Kutis. Labi. Pilikmata. Tutsang. Leeg. Tenga. Nakakadarang. Sa kanya ko naramdaman kung ma-first hanggang third degree burn.
Minahal kaya ako ng dati?
Pangalawang telenobela. Mahal na mahal ko yung hindot na yun. Ano pangalan ko? Lagi kong naririnig yung kanta ni April Boy Regino. Sana'y Laging Magkapiling. Baduy. Nililibing ako sa putik ng hindi ko namamalayan. Akala ko sa mga petalya ng bounganvilla. May nakikita ako na hindi nila nakikita. Langit. Bituin. Ulap. Araw. Ulan. At bagong planeta na tanging ako lang ang may alam - Sivididux.
Minahal kaya ako ng dati?
Pangatlong telenobela. Mahal na mahal ko yung hindot na yun. Pero hindi niya raw ako kaya. Transgresyon. Transedental. Paglaya. Mga salitang ayaw niyang intindihin. Sa kanya, para akong may leprosy na wala. Nagsusumamo. Nagmamakaawa. Please. Mahalin mo ako. Kahit kunwari lang. Paalam. Pulubi. Pulubi. Pulubi. Palimos. Palimos. Palimos. Kung ang tao ay tulad ko, lahat na lang ay mga busabos.
Minahal kaya ako ng dati?
Baka oo. Baka hindi.
Yun ang pagkahahaba-habang telenobela noon -- open ended. Walang katapusan. Inisip ko, yun ang nahita ko sa pagkahumaling sa mga kuwentong stream of consciousness. Tuloy ang buhay ko, parang stream of consciousness. Walang kaisahan. Walang iisang agos. Sabog. Parang grade one na umebak sa kanyang ekswelahan.
Pero kung telenobela ang kwento namin noon, isa itong pinakamalaking flop sa kasaysayan ng telebisyon. Wala itong following. Lahat ng tao na nakakarinig sa aking kwento, umiiwas. Ayaw pakinggan. Nakakasawa. Nakakapagod. Para sa kanila masyado ng gasgas at cliché.
Nang sumahin ko ang nangyari sa akin at sa pag-aasam na maging kabahagi ng buhay ng dating kong minahal at pinagkatiwalaan, ilang beses na rin akong namatay; -- sa tuktok ng bundok, sa sampayan ng aking kwarto, sa sementeryo na may basag na bote ng beer, at sa kamang may kobre kamang pula.
Nakakapagod palang mabuhay, akala ko, ngunit mas nakakapagod din palang mamatay, sa hindi ko inaaasahan.
Sa puntong ito, hindi ko alam kung saan ako lulugar, pero ang pinakamasaklap, hindi ako sigurado kung may lulugaran pa talaga ako. O talagang sinusuka na ako ng mundo. Masaklap.
Ngunit laking gulat ko - sa hindi inaasahan, ay may kumatok sa aking pinto. Sa unang pagkakataon, nakarinig ako ng katok sa pinakaeleganteng paraan. Sa aking inaasahan, siya na ito na dati ko pang hinihintay, bakasakaling kakayanin na niya akong mahalin. Ngunit laking gulat ko, nabigo na naman ako.
May dumating. May kumatok. Walang mukha. Walang pangalan. Ang estado: hindi Siya na dati kong inibig. Pero ang mahalaga, hindi ko inaasahang may kakatok na bagong nilalang sa kinakalawang at inaaagnas kong pinto.
Walang makapagsasabing dadating ang nilalang na ito sa akin. Dumating siya kasabay nang pagtikatik ng aking daliri sa mundo ng teklado. Para ngang traysikel sa Katipunan, singbilis kung hamarurot. Sasasagasaan ka ng walang kapararaan. Isang malaking supresa sa aking buhay; mga hindi inaasahan sandali na kailangan palang paghandaan.
Hindi ko maintindihan, nang dumating siya sa aking tranghakan, ang galit na noo'y namuo sa akin ay unti-unting nawawala. Parang lumilinis ang aking kaluluwa. Nagiging wagas ang aking puso.
Nang dumating siya: nagkaroon ng depenisyon ang mga simpleng normalidad na dati'y akala ko ikamamatay ko: naging maayos ang aking paghinga. Sakto ang bilang ng tibok ng aking puso. Maluwalhati ang daloy ng aking dugo. Lahat, perpekto. Tamang-tama. Haay..... ang sarap mabuhay.
Sapagkat siya ay siya. Siya na kung saan ang mga ngiti'y kasingtamis ng mga lansones ng Oktubre. Siya na kung saan ang mga maiikling hibla ng buhok ay parang mga dahon ng makahiya. Siya na kung saan ang mga bagsak ng ilong ay parang pinakamagandang talon sa pinakamatiwasay na kagubatan sa daigdig. Siya na kung saan ang mga dibdib na pawang pinakamatikas na mga hilera ng kabundukan sa Himalaya
Nagbalik sa akin ang isa sa pinakapaborito kong kuwento ng pag-ibig:
Sa isang masukal na gubat, may isang nilalang na nawala sapagkat iniligaw siya ng kanyang dating minahal at pinagkatiwalaan. Umiiyak ang nilalang. Hanggang ang kanyang iyak ay umalingawngaw sa kabuuan ng panorama. Narinig siya ng lion at hindi lumaon ay nasukol siya nito. Akala niya ay katapusan na niya, ngunit may isang arkanghel na lumigtas sa kanya. Pinaslang niya ang lion. Nagpasalamat siya sa arkanghel. Nalaman niya nawawala rin pala ang arkanghel. Sa pagkakataong iyon, kapwa sila nawawala. Kaya naman, hinanap nila ang daan palabas ng gubat. Isang gabi, malamig na malamig -wala silang matakbuhan kundi ang isa't isa. Silang dalawa lamang ang makakatulong sa isa't isa. Ngunit isang gabi na sobrang lamig. Nagyelo ang lahat ng bagay sa kagubatan. Maging ang nilalang at arkanghel - ngunit nakakabilib sapagkat pumanaw man sila, ang kanilang mga puso ay hindi nagyelo - patuloy pa rin ito sa pagtibok.
Haayy.... Mga kuwento ng pagmamahalang natatapos din sa katapusan. Mga kuwento ng paulit-ulit at walang hanggang siklo ng koneksyon-diskoneksyon. Minsan iniiisip ko, paano kung totoo ang teorya sa kasaysayan na paikot-ikot lamang ito? Siguro ay walang habas din ang aking siklo ng buhay-kamatayan.
Pero mula nang dumating ang aking hindi inaaasahang bisita, hindi ko na iniiisip pa ang maari pang mangyari. O kung paano tatakbo sa akin ang lahat - ang kasaysayan, ang multo, ang mga lion, ang gubat, ang lamig, ang mga tricycle, ang paspaserong tricycle driver, ang Katipunan, ang mga gasgas na telenobela, ang mga nilalangaw na pelikula at ang hindi tinupok na puso ng nilalalang at ng arkanghel. Dahil sa kanyang pagdating, wala na ang konsepto ng takot sa akin. Kaya ko nang humarap sa kasaysayan ng diretso sa mata. Kaya ko ng labagin ang lahat.
Sa kanyang pagdating, ngayon, hindi tulad ng dati, gusto ko nang mabuhay. Kung maari, at bibigyan ako ng pagkakataon, dadalhin ko siya sa mga masusukal na bundok, o sa mga nakakabilib na tangway, sa mga matataas na gusali, sa tsubibo, sa parke na puno ng mga pulang lobo, sa dagat, sa ilog, sa lugar na walang pait at danas, sa espasyo na kung saan ay walang hilakbot at panganib. Nais ko siyang dalhin sa paraiso na kami lamang. Ngayon, nais kong umibig ng nakayapak at nakahubad. Nais ko sumigaw at sabihing "Tangna natagpuan ko na siya!"
Paspas ang mga tricycle sa Katipunan tuwing ala-una ng madaling araw. Pero ngayon, sinyales ito ng aking bagong kuwento kasama ang walang mukha at pangalang nangahas na kumatok sa aking nakakandado at nasisirang pinto.
May bagong kuwento ng pag-ibig ngayon. Unang telenobela. Pangalawang telenobela. Pangatlong telenobela. At walang hanggang telenobela. Mga naratibong hindi ko alam kung gasgas na o cliché. Ngunit ang mahalaga, nagpapatuloy ang kuwento at umaandar ito na para ngang tricycle ng Katipunan - na umaalis at dumarating sa paroroonan - kahit pa paspas at matulin ang takbo nito.
*para sa'yo. Para sa ating bagong kuwentong bubuuin. Salamat.
Miss U
Alas-sais ng hapon. Pagkatapos ng klase, sinuyod namin ni Ramona o Ramoncito ang isang maliit na eskaparate papuntang gym. Nakakapangilabot ang sikretong daan na dati’y isang speech room, ngunit naglaon ay naging imbakan ng mga fetus at preserved na hayop nang nasunog ang Biology laboratory. At habang nangangatog akong naglalakad, paulit-ulit na sinasabi sa akin ni Ramona, “Hindi ka lang dapat magpadala sa magagarang damit para sa National Costume competition, o kaya’y sa haba ng slit sa gown competition, or ang walang kabakatan sa Swimsuit.Trully, sa pageant na ito, napakahalaga ng x-factor. And of course, the ultimate word, beauty, in and out!”
Narating namin ang silid. Sa una’y nasilaw ako sa mapusyaw na kulay na bumalot sa lugar. Ngunit nang unti-unti lumiliwanag ang paningin ko, mas lalo akong nasilaw – Nandoon si Miller, ang poging star-player ng varsity. Si JP, ang parang kabayong sumipang soccer player ng 3rd year. Si Ericson, ang valedictorian ng mga gagradweyt na 4th year ng aming eskwelahan. At si Aaron, ang mestiso at pilyong 2nd year na anak ng isang sikat na politiko. Nakakagulat, kabilang ako sa mga sikat at pinagpipitaganang board of judges ng 1994 Miss Universe sa gym ng aming eskwelahan. Pinaupo ako ni Ramona sa hanay ng mga lalaking ito.
Maya-maya’y nagkagulo sa backstage - umatungal ang isang maitim at matabang baklang malimit kong makasabay sa dyip papuntang Kalentong. Madamdamin ang sandali. Hindi niya nakuha ang kanyang matagal na pinapantasya – ang maging Miss Colombia. Sabi ng mga organizer, hindi raw bagay sa kanya ang sash na ito, hindi magiging makatotohanan ang kontes kung siya ang magbibitbit ng bansang Colombia. Tutal magaganda rin naman daw ang mga nagiging Miss Zimbabwe.
Hindi matanggap ni Miss Zimbabwe na gustong maging Miss Colombia ang mga dahilan, walang tigil ang pagbagsak ng kanyang luha at maya-maya’y tumakbo papalayo ng gym.
Nag-cue ang ingleserong si Diego, ang sikat na debater ng 2nd year, Tapos na raw ang aberya. Magsisimula na ang kontes..
Umayos ang lahat. Seryoso. Nakapako ang lahat sa entablado.
5, 4, 3, 2, 1…….Bumukas ang gawa-gawang telon. Sabay-sabay silang kumanta ng: Hello Philippines Mabuhay! To all the friends we know, we will sing hataw na!
Nakakabilib ang kanilang mga costume. Isang nakakamanghang espektakulo ng mga kulay at disenyo. Ang laki-laki ng pakpak ni Miss Peru, dapat siyang bigyan ng special award - Massacre beauty, dahil sa kanyang walang habas na pagkitil sa libu-libong manok sa kanilang poultry. Wala namang takot si Miss Tonga na magsuot na jungle inspired swimsuit. Wala rin siyang konsepto ng privacy sa tuwing nginanganga niya ang kanyang malaking bunganga, walang tinatago - sagad hanggang Adam’s Apple. Minana naman ni Miss USA ang lakas ng loob ni Miss Tonga. Cabaret-inspired costume ang suot ni Miss USA. Nakakaeskandalo ang baklang ito, bakat na bakat ang ang kanyang ari. Kulang na lang ay lumawit ito sa kanyang itim na tangga. Para siyang si Liza Minneling may titi.
At inaasahan, napakaganda ni Miss Venezuela sa kanyang paru-parong costume. Hindi makakailang napag-planuhan niya ang kanyang susuotin – ang color combination ng pakpak, ang diyamenteng headdress, at ang five-inches na mala-Cinderella na sapatos. Gayunman, hindi papatalo sa kanya si Miss Thailand, binalutan ng ginintuang gift wrapper ang kanyang buong katawan. Ngunit, pihado akong matatalo siya sa contest na ito – nakakangilo ang kanyang tunog habang naglalakad. Napapailing kaming mga judges.
Samantala, ang Miss India ay si Ramahari, ang kaklase kong bombay na anak ng sikat nagpa-payb-six sa palengke ng San Juan. Kahit papaano, nadala niya ang damit ng kanyang ina, kahit pa maliit siya. At si Miss Colombia, kahit pa muntik na maagaw ang kanyang titulo, talaga namang napakaganda sa kanyang costume na torero.
At ito na ang pinakahihintay ko, si Miss Philippines. Siya ang pinakamaganda para sa akin. Binatang Pilipina. Kahit pa amoy kabaong ang kanyang terno, nadala niya pa rin ito sa pinaka-Pilipinong paraan, mapagpanggap na hindi nahihirapan.
Maya-maya’y humilera na ang lahat ng mga delegada. Walang lumilihis sa choreography na tinuro pa raw ni Madonna, ang baklang 4th year na pasimuno ng mga dance contest sa eskwelahan. Sa saliw ng tugtog, sabay-sabay nilang pinalilipad ang mga kamay sa hangin. Akma ring nasa tempo ang kanilang mga kembot. Nasa tamang tono ang kanilang mga kanta, para-pareho ng taas at baba ng boses.
Sa pagkakataong ito, walang gustong maging patapon. Ang lahat ay nais manalo, para sa karangalang “pinakamagangdang bakla sa aming eskwelahan.”
Sabi sa akin ni Ramona, simula pa lang ito ng mas malaki pang labanan at banggaan ng ganda’t talino.
Paulit-ulit naglalaro ang himig ng “Hello Philippines Mabuhay” sa utak ko hanggang sa may narinig akong pamilyar na boses sa medyo hindi kalayuaan.
Sumigaw si Miller, parating si Mother Superior, at kasama ang nagsumbong na si Miss Zimbabwe.
Tumakbo ang lahat. Parang isang milagro, mula sa pa-kontes na “Miss Universe,” naging finals ito ng 100 meter dash sa susunod na Beijing Olympics. Halos magkatapakan ang mga tao. Napigtal ang mga sash. Nabali ang mga takong sa pagkaripas. Natanggal ang mga perlas at pekeng diyamante sa mga korona. Halos lumawit ang ari ni Miss USA sa kanyang bikini dahil sa nerbiyos. Sa kaba, naisagad pa ng may hawak ng radyo ang volume ng “Hello Philippines Mabuhay,” sinasabayan pa ng nakakangilong tunog ng tumatakbong si Miss Thailand. Ang lahat ay nagmamadali at hindi dapat manatili. Ang lahat ay may kanya-kanyang direksyon ng pagtakas. Walang dapat mahuli. At kung kinakailangan, isalba ang sarili.
Nakapanlulumo, tanging mga nalagas na pakpak ni Miss Peru ang naging bakas ng lahat. Mga pulang pakpak.
Biyaheng Paspas
Tuwing umaga, dumadaan siya sa Ayala Ave.
He walks while Little Sister of Queens of the Stone Age plays in his mind. Pa-cool.
Edgy. Whoosh. Sabay yosi ng Marlboro. Ang usok – lumipad sa langit, unting-unting nag-shape ng puso -- pataas ng pataas -- hanggang bumangga sa rumaragasang eroplano – BOOM! Nagcrash… (ang eroplano o ang puso?).
Dahan-dahan siyang naglakad. Tok.tok.tok. Tunog disente. Nag-uumapaw na cultural capital. Tunog yabag ng mga taga-Econ o BA na pagka-gradweyt ay nilalamon ng monster makina ng mga dambuhalang corporate shits. Pompous ass.
Natatanaw niya na ang kanyang building na pag-aari ng trapong senador. Abot-kamay niya na ito sa kabilang ibayo. But no, naniniwala ang Makati sa konsepto ng roundabouts. Lagi't laging umiikot sa isang bilog. Bilog na dumadaan sa ilalim. Walang pumapaimbabaw kundi mga bus, FX at kotse. Literally bawal ang tao sa kahabaan ng Ayala Ave, kung ayaw mong sagasaan ng mga bilog na gulong.
Sa kanyang opisina, panorama ng kanyang bintana ang PBCom Tower -- Ang pinakamataas na building sa Ayala. ‘Pag nabuburat na siya, magyoyosi siya sa baba. Iisipin niyang marijuana ang yosi. Maha-high siya. Aakyat muli, uupo at tatapat sa kanyang bintana sa harap ng PBCom Tower. Makikita niya ang Diyos na nagkatawang-gusali sa PBCom. Aparisyon! Maluluha ang gilid ng kanyang mata. Ganap na ganap ang ispektakulo tuwing alas-sais. Magbubukasan ang mga ilaw. Para itong isang malaking kometa na nagsasalsal at nilalabasan ng mga spaceship.
Now, he wants to be God. He became the Editor in Chief of a newspaper at a time he didn’t expect. While his bestfriends became his associate editor, writer and illustrator. Walang hassle. Kuntento na. Perfect.
Ngunit ang problema – ipinaglihi siya sa utak ng sanggol. Lagi’t lagi pa rin siyang umuuwa. So pa’no niya dadalhin ang mga issues such as: Mining Act of 1995, VAT, OFW Rights, Gender, Journalist Killings, atbp., e may infantile syndrome siya.
He hears Lazy Days over and over again. Tears in his eyes. He sips coffee instead – White Mocha Frappucinno.Grande. P140. Enough to buy isang kilo ng manok. Pamasahe ng isang raliyista pupuntang Emba. Hambog.
He suddenly realizes that the music he’s enjoying are all crap. Napakasentimental. Pang-mahina. Pang-pag-ibig-na-wagas-ay-pag-ibig-na-hindi-makakamit-mode. Nakakasawa. Then suddenly changing the music into Yeye Vonnel by April Boy Regino – ang kanta para sa kanyang kaibigang si Hilda Rosca Nartea na pinaka-nostalgic sa sphere ng novelty sa bansa.
He internalizes.
Suddenly he is full of contradictions – tatawa ba o ngingiwi, malulungkot ba o hindi? He would always embrace this kind of life. It's like living in a battlefield. Kaya’t hindi na siya sumaya-saya.
Tumingin siya sa kabuuan ng Makati. Now you want to be God? Sige titigan mo ang mga konkreto at bakal na kumukumot sa iyong panorama, tingnan natin kung mapapabagsak mo ‘yan. Wala kang pinagkaiba sa ibang mga taga-UP na ‘pag lumabas e wala nang inisip kundi ang sarili. Selfish. Self-centered. Egotistic. Pokpok.
Montages
In a split second, he shot his head instead. Blood spurts on the wall.
Nah. Nah.Grow up. Hindi ka na ganyan. Don’t just end this with a whimper but with a bang….
OKEY.
Bang!Bang! Blood spurts on the wall…
Mali. Lagi mo na lang hindi naiintindihan. Itigil mo na ang mga kalokohang ito. Eskapista. Lagi mo nalang itinatapos ang lahat sa dahas. Lagi’t lagi mo na lang pinapatay iyong sarili. Para kang dati mong lover – umaalis ng walang paalam. Loser.
Ngayon, patunayan mong iba ka na. Na ikaw ang pokpok na may relevance. Na ikaw ang dating mahina na kinumutan ng panibagong lakas. Na ikaw ang dating hilata sa Ivory Tower na 4th floor ng Vinzons Hall na handa ngayong makialam.
Go pokpok!
Tuwing gabi, lagi't lagi siyang dumadaan sa Ayala Avenue – at sa unang pagkakataon, napangiti siya ng walang sapilitan. Ngayon siguradong-sigurado na siya – may dahilan na upang magising sa umaga, at matulog sa gabi.
For my five fabulous friends: Hilda, Xavier, Ledda, Benrey, and Reagan.