Kamatayan sa kanto ng Rosabel Antonio cor. Main St.
Kagabi nakatayo ako sa isang kanto, naghihintay ng masasakyang traysikel. Sa mahabang panahon, muling nangati ang aking lalamunan -- tuyong-tuyo. Gusto ko ng alkohol. Bumalik na naman ang dating sakit ko -- adiksyon sa alkohol. Alam kong magagalit ang karelasyon ko 'pag nalaman niya ito, pero kagabi -- isa-isang humimlay sa akin ang iba't ibang konsepto ng buhay at katapusang-buhay -- kaya't alkohol ang pansamantalang kinapitan.1. Isang linggo lang naman pumasok yung isang telemarketer namin. Naaalala ko siya, kamukha kasi siya ng nanay ko. Yung mata niya, parang mata ng nanay ko nung bata ako pag naghahanap ito ng perang pambili ng pagkain namin. Determinado. Gusto ko siyang makita dati -- gusto ko kasing makita ang nanay ko noon. Namimiss ko na rin nanay ko. Pero pagkatapos ng isang linggo, hindi na pumasok ang telemarketer. Pagdating ko sa opisina, hinanap ko siya -- pero wala na. Hanggang sa matambakan na ako ng trabaho at wala ng panahon sa nostalgia. Kahapon, nalaman ko sa accountant namin -- nakahimlay na raw ang telemarketer. Kumalat na raw ang sakit niyang cancer sa kanyang utak. Naghihintay na raw ng kamatayan.
2. Ala-siyete ng gabi nagtext sa akin ang isa kong kaibigan -- patay na raw ang kanyang tatay. Alam ko ang pakiramdam ng walang tatay. Batang-bata pa lang ako nang mawala ang tatay ko. 'Di ko nga makakalimutan kung paano -- nagdoorbell ang isang tanod sa bahay namin. Madiin ang kanyang pagpindot. Walang katapusan. Nakakapunit. Ang lakas ng doorbell (kaya nga may trauma ako sa doorbell). Nang binuksan namin: Patay na raw ang tatay ko.
3.Nalaman ko lang nung alas-otso ng gabi, wala na raw ang kaibigan ko at ang kanyang boypren. Tinapos na nila ang kanilang relasyon. Pinaglalamayan na raw ang kanilang relasyon. Kumbaga, nakaburol na raw sa punenarya ni Kupido. Sayang, kaibigan ko pa naman ang boypren niya. Ang bait-bait pa naman nun. Pero ganon nga siguro talaga, hindi mo maiwawasan ang pagkamatay ng nararamdaman. Ito, hindi na rin maaring irevive. Patay na nga ang mga pangarap nila.
Sumakay ako ng traysikel. Sabi ko sa driver, bababa ako sa kanto. Matulin siyang magpatakbo. Nagmamadali. Humarurot. Ang lakas ng radyo. Tinitigan ako ng driver. Pansin niya ang aking pagkabagabag. Ngumingiti-ngiti lang siya. Pagbababa ko sa kanto, nagulat ako sa driver. Sabi niya sa akin: Boss, mag-ingat kayo, kaninang umaga, may nasagasaang binatilyo dito, patay...
Sa buhay, magkakatabi at magkakalapit ang mga kanto at sulok ng kamatayan.

