Interogasyon: Manny Pacquiao
Resbak
(Ang Bayang Bugbog Sarado)
nina Vincent Jan Cruz Rubio at Benrey Densingnailathala sa Shimbun at Star Alert
Noong nakaraang linggo, para sa maraming Pilipino, ang mundo ay hugis-kamao.
Paco, Manila. A.M
Dumagundong at umingay muli ang barangay ng Zamora sa Paco habang hilong napaluhod ang Mexicanong si Hector Velasquez sa magkakasunod na banat ni Manny Pacquiao nitong linggo (Manila time) sa kanilang laban sa Staples Center, Los Angeles. Lalo pang naghiyawan ang buong baranggay nang hininto na ang laban at idineklarang panalo si Manny sa pamamagitan ng KO bago matapos ang round 6. Sa oras na ito parang tumigil ang pag-ikot ng buhay na mga tao para magkuwentuhan sa matagumpay na laban ni Pacquiao.
Noong simula’y tahimik muna ang mga magkakapitbahay, medyo nahirapan kasi si Manny na tantsahin ang laban dahil sa bigat ng jabs ng world ranked na si Hector Velasquez (ngayon ay 41-11-2, 30 KO’s) ng Tijuana, Mexico. Hindi pa ito natinag kahit na simula nang padapuan ng mga 1-2 combinations ni Manny (40-3-2, 31 KO's) sa 2nd hangang 4th round. Unit-unting bumibilis ang tagay dahil nakakuha na ng diskarte si Manny noong 5th round. Round 6, parang napunta sa amin ang boxing dahil niratratan na ni Manny si Velasquez at tuluyan nang nalambutan ng tuhod at nahilo – ayun nagpiyesta na ang mga lasing!
Davao City, Mindanao. A.MSa isang plantasyon ng pinya sa Bangkal Davao City, walang hindi nakakakilala kay Pacquiao. Lahat ng kalalakihan sa lugar ay nais maging sikat na boksingero tulad ng kanilang idolo. Sa kanilang altar, kadikit ng poong Hesukristo ang imahe nina FPJ at Pacquiao. Ilang gabi na ang nakaraan, dinasalan nila ang kanilang poon na maging matagumpay ang susunod na laban ng kanilang idolo.
Alas-diyes pa lang ng umaga, tumigil na ang mundo ng mga taga-Davao City. Punong-puno na ang malaking bodega ng mga imbakan ng pinya kung saan matatagpuan ang kaisa-isang TV sa loob ng plantasyon. Ang lahat, hindi ininda ang gutom at uhaw, nag-aasam sa pinakaabangang laban ni Pacquiao.
At hindi naman binigo ni Pacquiao ang marami – tila pinawi ng pagkapanalo nito ang mga pagal na katawang hinapo ng pagod at pag-aasam.
PILIPINAS. Ilang araw bago ang laban ni Pacquiao
Nag-aalala ang marami bago ang laban ni Pacquiao sa Amerika sapagkat marami ang nagsasabing kulang ang panahon ng paghahanda ni Pacquiao. Matatandaang ilang buwan lang ang nakaraan, nabigo nitong ipagtanggol ang kanyang korona laban kay Erik “El Terible” Morales. Lumabas din si Pacquiao sa ilang mga palabas sa telebisyon at pelikula. Noong mga nakaraang buwan, artistang-artista na nga ang dating ni Pacquiao.
Ngunit marami ang nagsasabing sa kabila ng matinding kagipitan ng Pilipinas sa pera, isa si Manny sa pinakamalaking moneymaker sa larangan ng boxing. Kamakailan lang, nakipag-areglo si Murad Muhammad kay Manny Pacquiao. Dahil dito, nakakuha si Pacquiao ng tinatayang P440 milyong piso bukod pa sa $2 milyong dolyar na makukuha sa HBO. Sa tala, maaaring umabot ng $800,000 bilang kapalit sa pag-urong ni Pacquiao sa $33-M damage suit na isinampa laban sa promoter. Dagdag nito, nakakuha rin ng halagang $2-M si Pacquiao bilang share sa HBO pay-per-view receipt na nabinbing ibayad kay Pacquiao dahilan sa pagdemanda niya kay Murad.
Si Pacquiao na nga ang isa sa pinakamapangyarihan at pinakamayamang atleta sa mundo. Sa panorama ng telebisyon, sunod-sunod ang imahe ng tagumpay ni Pacquiao: ilang daang libong dolyar, ilang milyong piso, courtesy call mula sa pangulo ng bansa, komersyal, pelikula, at magagarang buhay at lupa, at siya rin ang kauna-unahang Pilipino na character sa Play Station 2.
Samantala, para sa maraming Pilipino ang kanyang impluwensya at yaman ay labas pa sa kanyang tunay na pagkabayani. Maituturing na isa sa pinakabantog na imahe ng makabagong panahon si Manny Pacquiao. Sa marami, ang kanyang pagkapanalo ay para na ring pagwawagi sa isang digmaang pandaigdig. Kung sa tunay na buhay ay palaging naaapi ang bansa, ang bawat tama ng kamao ni Pacquiao at pagkabagsak ng kalaban nito, ay tila pagluklok sa bansa sa pinakamalakas na puwersa sa mundo.
At tila makinarya naman sa isip ng maraming Pilipino, sana sila na lang si Manny Pacquiao na halos walang pagkakaiba kay Hesukristo -- nagpakasakit, nagpakahirap, at nagtiis, at lumao’y linugar sa tamang lunan ng kapayapaan at kasaganahan.
Kung ang mundo lamang ang hugis-kamao, malamang tayo ang nasa tuktok nito.
Paco, Manila. P.M Nagbunyi ang buong baranggay ng Zamora sa Paco sa pagkapanalo ng kanilang idolo. Umuulan ng mani at gin-bulag. Bumagsak ang ilan sa kalasingan. Hindi maipinta ang ngiti ng maraming tao. Tamang-tama namang kasabay ng pagpanalo ni Pacquiao ay nanganak ang aso ng kanilang kapitan.
Pinangalan ng buong baranggay ang bagong silang na itim na tuta ng kapitan: si Pacquiao
Davao City, Mindanao. P.MMasayang-masaya ang buong plantasyon. Lahat umaasa na maging boksingero balang-araw. Lahat nais maging katulad ni Pacquiao na naiahon ang buhay dahil sa tindi ng kamao. Hindi rin nagtagal, umuwi na rin ang lahat upang maghanda sa mabigat na trabaho kinabukasan. Lahat ay umuwi ng hindi napalamanan ng kahit anong pagkain ang tiyan. Lahat umaasa at nag-aasam na dumating ang panahon ay dapuan sila ng suwerte at maging ng kanilang idolong si Pacquiao.
PILIPINAS. P.MTulad ng dati, maalinsangan pa rin ang panahon. Mataas ang presyo ng bilihin at gasolina. Sa pagkapanalo ng Pilipinas sa pamamagitan ni Pacquiao, patuloy pa rin ang buhay na lumalaban. Patuloy pa rin ang pag-ikot ng mundong pinapangarap ng maraming maging hugis kamao. Hiling lang ng iba, sana nga kasing suwerte ng tulad ng kay Pacquiao.
Samantala, ang buhay, tulad pa rin ng dati – suntok sa buwan.
Interogasyon: PINOY BIG BROTHER
HOUSEMATE FOR RENT
Isang pagboboso sa Pinoy Big Brother
Vincent Jan Cruz RubioRadikal ang set-up ng konsepto ng pinakabagong palabas ng ABS-CBN, ang Pinoy Big Brother (PBB): Mayroong 12 estranghero na magsasama-sama sa isang bubong. Lahat ng parte ng bahay ay kuhang-kuha ng kamera. Wala silang kawala. Lahat ng kanilang kilos at galaw – kitang-kita ng sambayanan. Walang itatago. Lahat ng baho, maaring sumambulat ilang segundo mula ngayon. Kaya naman, lahat ng aktibidad ng 12 estranghero, pinakaabangan, pinagmamatyagan.
Sa bagong palabas na ito ng sinasabing “pinakaopresibong” network sa bansa, tayong manonood, ay ang mga tsismosa ng panahon. Tayo ang mga usisero na tila mga kapitbahay na nais umungkat at kumalkal sa buhay ng ating mga katabing-bahay. Sa palabas na ito, maninilip tayo sa lahat ng aksyon at mga pangyayari ng mga taong (piniling) hinubaran ng pagiging pribado. Ang tunay na konsepto ng PBB, ay sama-sama (ang kapamilya na ika nga ng network) sa pagtatahip at pagtutunghay ng mga “makatotohanang drama ng eskandalo” na nasa panorama (o tila bintana) ng ating telebisyon.
Marami ang nagsasabing isang malaking salik kung bakit tila nga bumubulusok ang ratings ng PBB ay ang mapanlinlang nitong iskema: pinagsasalikop nito ang ating kulturang Pilipino ng pamboboso at pakikialam sa ibang tao (tsismis) sa aliwan o entertainment. Tila isa itong variety show ng tsismis, karnabal at eskandalo ng totoong buhay. Binubura nito ang linya sa pagitan ng realidad at kamera, at ang masaklap, pinagiisa nila ito.
Ngunit ang nakakatakot sa ganitong takbo, dahil napaka-makapangyarihan ng media sa pagbibigay ng bagong code o konsepto sa isang lipunan, binibigyang-lehitimasyon nito ang isang bagay na hindi katanggap-tanggap o lalo pang nagpapanatili sa isang bulok na kaayusan.
Huling-huli – walang sakto at kulangNapakasaklap ng lagay ng 12 housemate sa PBB, dahil biktima sila ng panopticon at tayo ang mga nagdidiwang ng kanilang kawalan ng kalayaan. Pinatutunayan lamang ng palabas na ito na sa panahong ito, wala ng maari pang isa-pribado, lalo pa nga't nasa taxonomiya ka ng pagiging “ordinaryo.”
Panopticon ang isang estratehiya ng PBB. At dahil hindi maitatangging napaka-makapangyarihan nito upang humubog ng bansa, minaskara ang “sosyolohikal-sikolohikal-politikal” na antas ng panopticon sa pagiging “way of life” ng bawat isa – o katanggap-tanggap na yugto ng isang mapa ng siyudad. Di ba’t mapapatalsik si Gloria Macapagal Arroyo dahil sa panopticon na nagluwal sa “Hello Garci?” Ang wiretapping ay isang uri ng panopticon o paninilip. O kahit pa sa mga simpleng bagay tulad ng kamera sa building o mga establisyimento upang makita at mahuli ang mga kahina-hinalang elemento – lumulugar ang panopticon bilang isang napakahalagang makina ng makabagong siyudad.
Kumikitang KabuhayanAt dahil bumubulusok ang ratings ng PBB na dahilan na rin sa pagkahumaling ng mga Pilipino sa panopticon, sinamantala ng ABS-CBN ang pagkakataon upang buhayin ang kanilang sadsad na estado.
Dahil batid nilang inaabangan ito ng mga tao, hindi lamang sa primetime pinapalabas ang PBB sapagkat halos buong araw/gabi, binubugbog nila ng mga updates ng nasabing palabas ang kanilang regular na programming. Kumbaga, tila ito na lamang ang esensya kung bakit tila nabubuhay ang network sa mga panahong ito.
At hindi pa nakuntento ang ABS-CBN dito, ang Sky Cable (na pag-aari din ng network) ay bumuo ng isang 24/7 promo upang mapanood ng lahat ng subscriber ang nagaganap sa mga housemate bawat minuto at segundo.
Ito nga naman ang sakit sa kapitalismo, walang kapawian ang tao, walang kabusugan.
Pseudo-may pagbabagoGayung pinakabago ang konsepto ng Pinoy Big Brother sa kasaysayan ng biswalidad sa telebisyon sa Pilipinas, hindi naman maikakaila na tila pinagkasya naman ang mga challenges sa pinaka-istiryutipo at pinakagasgas na mga set-up.
Halimbawa, ang challenges tulad ng paghuhuli ng baboy, pagsasayaw ng walang katapusan, cross-dressing, pagtuturo sa aso, body painting, at iba pang kababawan ay wala rin namang pagkakaiba sa mga nakasanayan ng challenges ng mga variety program tuwing tanghali. Kumbaga, “tweaked” version ang mga challenges ng PBB sa mga komersyisalisado o sponsor-based na mga laro ng mga variety-game show sa Pilipinas.
Kung tutuusin, sumikat ang Big Brother sa buong mundo dahil sa angking galing ng mga konsepto ng kanilang challenges: dahil cerebral ang atake nito. Kabaligtaran naman nito ang ating bersiyon ng Big Brother. Pang-karnabal ang naging poste sa pang-araw-araw na challenges. Nakakalungkot din na mukhang hindi equipped o may dis-oryentasyon ang mga tao sa likod ng Pinoy Big Brother sa orihinal talagang konsepto ng Big Brother. Tila yata lahat ng mga brainstormer at writer sa variety block ng network ay kinuha upang muling bumuo ng isang karnabal ng ispektakulo ng Pilipinas at 3rd world.
Masaklap sapagkat pinagkakasya lamang sa PBB kung ano na ang nakasanayan at kung ano ang “tried and tested” na papatok sa tao. ABS-CBN formula pa rin ang nangingibabaw: walang kapangahasan, punong-puno ng kababawan, at minamaliit ang kamalayan ng bawat “kapamilyang” Pilipino.
Ang pagkatupok ng bahay ni kuyaMarami ang nagsasabing maaring baguhin ng PBB ang panoorin at biswalidad ng palabas sa Pilipinas. Ambisyoso ngang maituturing ang mga haka-hakang ito, ngunit makikitang malaki talaga ang potensyal ng mga genre ng breakthrough sa bansa. Isa itong malaking espasyo para sa tunay na pagbabago o reporma sa mga tipo ng palabas sa bansa. Ngunit isa lang ang lalabas sa interogasyong ito, hindi ang tulad ng Pinoy Big Brother makakalaya sa atin sa ating pagkabulag sa mga gasgas na ikonograpiya o nabubulok na takbo ng biswalidad sa Pilipinas.
At tulad ng sinabi ng isang host ng PBB noong nakaraang eviction night, maari nang isalba ang paborito mong housemate sa pamamagitan ng pagbili ng isang brand ng suka at pagkuha ng code nito at pagtetext sa iyong cellphone provider. Nakakatuwa sapagkat suka pala ang maaring makasalba sa mundo ng mga pangarap ng mga housemate.
Tanong: Suka kaya ang makakasagip sa nabubulok na estado ng mga palabas at sistema ng ABS-CBN?
Abangan. Isang gasgas na ending sa isang gasgas na network at palabas sa TV.
Hindi naman talaga ako ganito...
Dumating Ka*
May isang dambuhalang barko ng pag-ibig
Dati-rati’y pag nakikita ko,
Sabi ko, sana’y lumubog ito,
Hanggang sumadsad
Sa pinakamalalim na buhanginan
Ng puso kong
Tila isang disyerto
Ngunit dumating ka
Ang dambuhalang barko ng pag-ibig
Naging arko ni Noah
Nagpalaya, Nag-alis ng pangamba
Ngayon, banal ang hydrograpiya
Ang kilapsaw ay samyong petalya
Ang buhanginan, naging kastilyo
at ang puso kong disyerto,
Nasa basang kamay mo
Dumating ka,
At naglayag ang dambuhalang barko ng pag-ibig
Sa pinakamahaba nitong kurso.
*Salamat sa'yo, mahal na mahal kita. Para sa ating ika-anim na buwan.
Para sa'yo
Anim na buwan na tayo.
Pinakamasayang anim na buwan sa buhay ko.
Salamat sa lahat.
Mahal kita.