Thursday, July 27, 2006

R I P *

Carry this picture for luck, kept in a locket
Tucked in your collar, close to your chest.
Make it a secret, shown to your closest friends.
And meet me at quarter to seven,
The sun will still shine then, at this time of year.
We’ll head to the inlet. And we’ll share a bottle there.
-Carry This Picture, Dashboard Confessional

Ilang oras ring hinihintay ni Balong si Yulo. Naka-dalawang pakete na ito ng sigarilyo. Nagkulay abo na ang itim niyang sapatos. Nakagawa na ang kanyang bibig ng maraming alipato – singsing, puso, bituin, buwan, barko, eroplano. Kung ganito lamang kadali gumawa ng mundo, nakagawa na siya ng uniberso.

Mga ilang minuto’y dumating si Yulo na bitbit ang isang boteng serbesa. Namumugto ang kanyang mata, katulad ng lungkot ng langit ng gabing iyon.

Ayaw mang aminin ni Yulo kay Balong, nahuli ito sapagkat hinanda niya ang sarili sa maaaring mangyari sa gabing ito. Bago makipagkita sa kaibigan, inilatag niya ang tubig, labakara, at laket ni Nazareno sa kanyang kama. Isa-isa, iniisip niya ang lohika ng pagkakasunod ng mga mangyayari: Mauuhaw ba sila bago pawisan? Aasa ba muna sila sa poon bago mangati ang lalamunan?

Tulad ng dati, may pagkahumaling si Yulo sa mga dahilan kung bakit nauuna at nahuhuli ang mga bagay-bagay. Para sa kanya, ang mundo ay umiikot sa aksyon-reaksyon. Sa mga nauuna at nahuhuli.

“Putsa huli ka na naman!, mabubulok na ‘to!” inis na inis na sinabi ni Balong kay Yulo. Sabi ni Yulo sa sarili, e putsa bakit ba lagi ka kaseng nauuna?

May malaking plastic bag na dala-dala si Balong. Tumutulo pa ang dugo mula sa plastik. Pagdating na pagdating ng itim na kotse ni Yulo, dumiretso agad siya sa kotse. Inilagay niya sa trunk ng sasakyan ang malaking plastik. Hindi niya ininda ang pagkalat ng dugo. Tutal, hindi naman masyadong mahahalata sa itim na kotse ni Yulo.

“Yulo, hindi tayo dapat abutin ng umaga,” humihingal na sabi ni Balong.

Tumungo lang si Yulo. Alam niya, hindi kailangang manatili. Kailangang magmadali. Kailangan nang tapusin ang lahat. Mahabang panahon na rin silang binagabag ng problemang ito.

Pinaspas ni Yulo ang kotse. Pataas ng burol. Libu-libong pusa ang kanilang sinagasaan. Kulay neon lights ang gabing ito, aninag hanggang langit, nanggagaling mula sa kakaibang mata ng mga pusa. Nakakasilaw. Gayunman, nagkalat ang mga laman ng mga pusang hindi nabigyan ng kasunod na buhay.

May lihim na ngitngit ang gabing iyon. At sa gabing ito, parang kriminal ang lamig, sumasaksak sa laman, umaabot hanggang kaluluwa. Ganunpaman, hindi ininda ng magkaibigan ang panganib ng gabi – ito na ang matagal nilang inaabangan at hinihintay.

Sa unang pagkakataon, kapwa nila niyakap ang katahimikan. Walang ingay. Walang mga salita. Walang dagundong na musika sa stereo. Ang mga naiwan sa kanila, mga lihim na tingin ng pag-aalala.

Pagdating sa tuktok ng burol, kinaykay nila ang lupa sa tabi ng patay na puno. Nangitim ang kanilang mga kuko. Hinukay nila ang lupa sa tuktok ng burol. Nagmadali sila. Ayaw nilang maabutan ng liwanag. Kailangan nilang ilibing ang dapat ilibing. Umiyak ang langit. Lumambot ang lupa. Naging madali para sa mga magkaibigan na hukayin ang dapat hukayin. Nanigas na ang kanilang buto sa daliri sa paghuhukay, ngunit hindi sila dapat huminto. Malapit ng lumiwanag.

Alas-tres ng madaling araw, nahukay nila ang burol. Tinitigan nila ang lalim ng kanilang nahukay sa pamamagitan ng kanilang mga daliri. Sa unang pagkakataon, may ngiti silang pinagsaluhan. Hindi sila makapaniwalang nagawa nila ito. Sabagay sa isip nila, nagagawa naman nila ang imposible ‘pag magkasama sila. Ngunit alam nilang dalawa na hindi na dapat pang sabihin ito sa isa’t isa, may mga katahimikang nangingibabaw sa gabing ito. May mga katotohanang dapat ring ilibing.

Hinulog ni Balong ang plastik sa hukay. Umaapaw pa ang dugo nito. Natahimik si Yulo. Hindi niya alam ang kanyang mararamdaman. May mga katahimikang sumaksak. Hindi niya alintana, may luhang bumagsak sa kanyang mata.

Nagsindi sila ng sigarilyo. Nakagawa silang dalawa ng alipato. Kay Balong isang malaking-malaking eroplano. Kay Yulo, isang dambuhalang barko.

Tinapik ni Balong si Yulo sabay turo sa alipato, “Ayan na ang eroplano ko, sasakay na ako.” Napangiti si Yulo, mag-iingat ka, sabi niya sa kanyang puso.

Nagpaalam si Balong kay Yulo matapos ilibing ang dapat ilibing. Magkabilang dulo ang kanilang tinahak. Dalawang magkabilang sulok ng mundo.

Kinabukasan, binalikan ni Yulo ang burol. Nakapagtataka, walang bakas ng mga pusang nasagasaan. Ibang-iba ang tanawin kaysa kagabi. Pinakamagandang bukang-liwayway sa mahabang taon. Punung-puno ng mga kulay dilaw na dahon na nagsibagsakan mula sa matandang puno.

At nang marating ang tuktok ng burol, napangiti siya, sa libingan na ginawa nila ni Balong kagabi, may tumubong damo. Naniwala siya sa kasabihan, ang pumanaw ay nagiging damo ng bukang liwayway.

*Kay M, sa ating inilibing...