Tuesday, August 15, 2006

Homage kay Fernanda Montenegra sa pelikulang "Central Station"

Nahanap na ni M--- yung nanay niya.

Noon pa lang simula ng relasyon namin, pangako ko sa kanya, tutulungan ko siyang hanapin ang nanay niya. Tandang-tanda ko, sa LRT sa Santolan, sabi ko, "Wag ka mag-alala, yan ang pinakaregalo ko sa iyo, hahanapin natin nanay mo." Pero mahirap, peke ang birth certificate niya. Wala ni isa sa pamilya niya ang puwede niyang pagtanungan (at wala ring magbibigay ng sagot). Wala talaga. Sumuko na nga ang isang organisasyon na hiningan ko ng saklolo upang tulungan kami sa kaso niya. Wala talaga siyang nakaraan. Hindi nga niya alam ang totong bertdey niya. O ilang taon na siya. O ano ang middle name niya.

Biro ko nga sa kanya, baka dose lang siya at para akong si Dolphy kung nagkataon. Na lagi niyang ginagantihan ng masasakit at nakakapunit na halakhak.

Kaya nang magkahiwalay kami matapos ang isang taon at tatlong buwan naming relasyon, binagabag ako, alam kong may misyon pa kaming hindi nagawa. Hindi pa namin nahahanap ang nanay niya. Hindi pa niya nakikilala ang sarili niya. Hindi man niya aminin, kaya nga rin siya nakipaghiwalay dahil malaki ang epekto sa kanya ng malaking dilemma na iyon. Sabi niya, unfair daw sa akin dahil hindi pa raw niya AKO nakikita sa future niya. Sagot ko naman, "E talagang hindi mo ako makikita sa future mo, kase hindi mo alam yun, hindi mo nga alam ang past at present mo e."

Kaya masayang-masaya ako. Isa sa pinakamasayang pangyayari sa buhay ko. Lalo pa't sa akin niya unang sinabi na nahanap niya na ang nanay niya kahit na wala na kami. Sabi niya, gusto niya, ako at tanging ako lamang ang unang makaalam ng magandang balita sa buhay niya. Ako lang daw ang may teritoryo sa bahaging iyon.

Masayang-masaya ako dahil unti-unti na niyang makikilala ang pagkatao niya. Nagiging malinaw na sa kanya ang naratibo ng kanyang nakaraan, kasalukuyan at hinaharap. At masaya ako dahil sa akin niya unang pinagkatiwala ang pinakamalaking balita ng buhay niya. Noong sinabi niya sa akin ang balitang yun sa apartment ko, naiyak ako. Niyakap niya ng ako ng mahigpit. Mahigpit na mahigpit. Tapos naramdaman ko yung luha niya sa balikat ko. Mainit. Parang hinele ako. Tas nagpasalamat siya, sabi niya, isa raw akong malaking regalo sa kanya.

Haayy, mahal ko talaga siya. Kahit pa maraming mga kaibigan ang nagsasabing bumitaw na ako dahil kailangan ko nang tanggapin na wala na siya at hindi na siya babalik pa sa akin. Na kailangan ko na siyang palayain at tanggapin sa sarili na nawala na ang pagmamahal sa akin ni M---. Na kailangan kong gumanti sa masamang ginawa niya sa akin. Na hindi ko na responsibilidad ang paghahanap sa nawawalang nanay niya dahil binitawan na niya ako.

Pero sa pagkakataong ito, masaya ako, dahil tama ang desisyon ko. Buti na lang at ipinaglaban ko yung nararamdaman ko sa kanya at nasaksihan ko ang pagbabagong ito sa kanyang buhay. Buti na lang at nakakapit pa rin ako hanggang sa huli, kahit pa naging malabo na ang daan sa amin. Buti na lang at kahit hindi bagay sa panahon ng post moderno, naging wagas ako. Dahil nahanap ko na ang kasagutan kung bakit ako makulit. Kung bakit ako mukhang tanga. Kung bakit ako lumalaban. Kung bakit ko kailangang igiit na kailangan namin ang isa't isa. Dahil hindi ito mapapalitan ng nagging saya ko sa sandaling sinabi niya sa aking magkikita na sila ng kanyang totoong ina. Walang makakatumbas doon. Walang papantay doon. Okey lang na nasaktan at nadapa ako sa kanya kung ito lang ang kapalit. Tangna, kakaibang high ang naramdaman ko.

Sabi niya sa akin bago kami magkahiwalay kahapon, wag akong bumitaw sa kanya. Oo M---, lalo na ngayon, hinding hindi ako bibitaw sa iyo. Mas magiging wagas pa ako (kahit hindi raw bagay sa panahon ng post moderno). Lagi akong nandito at pangako yan. Mas naging mabuting tao ako sa iyo. Salamat rin sa iyo. Hindi mo man makita ang FUTURE mo sa akin, masaya na ako na naging bahagi ako ng nakaraan at kasalukuyan mo. At handa na ako sa lahat.

Sa darating na Lunes, pupunta kami ni M--- sa Bicol. Ako ang gusto niyang isama sa unang pagkikita nilang mag-ina. Doon, sa unang pagkakataon, tatagpuin namin ang nanay niya. Kinakabahan na ako. Ipinagdadasal ko na tumatag pa siya. Basta sa 12 oras na biyahe namin sa bus papuntang Bicol, hahawakan ko lang ang kamay niya, hindi ako bibitaw, at sasabihin ko sa kanya, " Mahal, buo ka na."