Jump
Isa sa pinakamataas kong talon sa buhay ko ay ang nakaraang Octoberfest sa Megamall.Lasing na lasing ako, sinasabayan ang pag-indak ko ng mga palo ng drums at distortions ng mga gitara. Tumatalon ako dahil nakilala na ni M--- yung nanay niya. Tapos bumalik na siya sa akin. Ngayon, bawat segundong magkasama kami ni M--- ay napakahalaga. Ngayon, hindi na kami takot harapin ang nakaraan, kasalukuyan at hinaharap. Mahal na mahal namin ang isa’t isa.
Tumatalon ako dahil nagkaayos-ayos na kami ng mga kapatid ko. Anuman ang mangyari, hindi nila ako iniwan – kahit parang sira-sira na ang buhay ko dati. Hindi nila ako matiis. Mahal na mahal ko sila. Tumatalon ako dahil sa kanila.
Tumatalon ako dahil may bago akong magazine na ilalabas. Lahat-lahat may 3 magasin at 1 diyaryo akong tinatrabaho mula sa iba’t ibang publisher. Tumatalon ako dahil laging nasa tabi ko si Dada, pinakamalapit kong kaibigan ko na minsang pinangarap naming magkaroon ng sariling publikasyon. Puwes, sabi namin sa sarili, ngayon kami’y mga magnate na ng mga publikasyong Filipino sa Japan. Masayang magtrabaho at tuparin ang pangarap ‘pag kasama mo ang isa sa pinakamalapit mong kaibigan na kasabay mong nangarap. Ngayon sa dami naming ginagawang publikasyon ni Dada, makakapag-ipon na kami. Gusto kong magkaroon ng bahay sa tabi ng dagat. O kaya sa tuktok ng burol. O kaya magkaroon ng isla. Ang sarap mangarap. Dati-rati’y nalilipasan lang kami ng gutom sa tuktok ng Vinzons. Fishball at tukneneng lang ang inuulam namin sa kanin ni Aling Lina. Hindi nga namin mag-afford ang extra rice. Pantasya lang ang pagkain naming lalagpas sa isang-daan. Kahangalan sa isip namin, sayang ang pera, itatae lang naman namin ito matapos ang ilang oras.
Tumatalon ako dahil sa dami ng publikasyong ginagawa namin, marami kaming natutulungan. Marami kaming namumulat. Napapaabot namin sa mga OFW yung tunay na estado ng bansa. Hindi namin sila inaalisan ng pag-asa, para sa amin, kailangang dumikit sa utak ng mga OFW na bahagi sila ng pagbabago. Pinangako namin noon ni Dada na hindi lang basta pera. Nauubos din naman iyon. Nais naming magbigay ng serbisyo sa aming bayan. Hindi man namin maisasalba ang mundo, pero sa parte namin, may mga buhay kaming nabago. Masarap tumalon ‘pag may tinatanganan ka pa ring prinsipyo hanggang ngayon.
Tumatalon ako dahil malapit ng umuwi ang nanay ko matapos ang mahabang panahong pagiging OFW. Sa wakas, makakasama ko na siya. Ipapasyal ko siya sa lahat ng lugar dito sa Pilipinas. Maipapakilala ko na sa kanya si M---. Dati, sa telepono ko lang ipinakilala si M--- kay Mama. Maayos naman ang pag-uusap nila. Nagpapasalamat pa si Mama kay M---, nilapit daw ako nito sa Diyos (hehe). At ang maganda, mahal ni Mama si M---. Mabait at totoo daw kasi.
Sa pagtalon ko, naiisip ko ang magagandang bagay na nangyari sa akin, ganoon din ang mga masasama. Balanse. Masarap tumalon na babagsak kang balanseng nakaapak ang mga paa sa lupa. Ramdam na ramdam ko ang init ng semento. Minsan may silakbo, pero sige, talon ako ng talon. Walang makakapigil sa akin. Masaya ako. Malaya ako. Sa pagtalon ko, pinasasalamatan ko ang Diyos. Pinasasalamatan ko si St. Jude (patron saint namin nina Dada at Reagan). Pinasasalamatan ko si M---. Tumatalon ako dahil sobrang laki ng pasasalamat ko kay Mama at sa mga kapatid ko. Tumatalon ako dahil sa tulong sa akin ni Dada, gayundin sa lahat aking mga totoong kaibigan.
Mga ilang taon ang nakaraan, gusto kong tumalon at magpatiwakal sa mga bundok o building, pero ngayon, tatalon ako dahil marami pang kailangang gawin at ayusin, marami pang aabangan na maaring mangyari – masama man o mabuti. Ngayon, tatalon ako nang ninanamnam ang sarap ng hangin, pipikit ako at sasabihing –
shit this is life.
Sa mga totoong kaibigan kong sina Dada Nartea, Reagan, Dada Docot, K, X, Bheng, Caloy, Eleyn, Fuj, sa hayskul friend kong si Marlon, sa kababata kong si Misty, at sa Room 401 Philippine Collegian, tahanan ko ng limang taon at kung saan ako nagsimulang tumalon. Isalba ang Philippine Collegian, pumunta sa www.philippinecollegian.net at ipakita ang suporta sa isang malaya at mapagpalayang pamamahayag.

